Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
“Mahal Kita, Pero Konti Na Lang”
Akala ko talaga hindi ako mapapagod. Akala ko talaga hindi ako darating sa point na matutuyuan ako ng luha. Sinubukan kung lumaban sa bawat araw na ibinigay ng Diyos. Sinubukan kong mag-survive para sa ating dalawa. Pilit ako kumapit sa mga bagay na ‘di na dapat kapitan. Pilit akong tumigil sa mga lugar na ‘di na dapat tumagal pa. Pero ang tigas talaga ng ulo ko. Napaka-tigas ng paninindigan ko na kaya pa nating mag-stay hanggang dulo. Na kaya pa nating isalba ang palubog na nating bangka. Kasi umaasa pa akong nasa dulo ka pa ng lubid. Natatanaw pa kitang lumalaban at kumakapit pa sa dulo nito. Pero hindi ko talaga napansin. Masyado akong naka-focus sa mga pinangako mo. Masyado akong nakampante sa lahat ng mga sinabi mo ‘nung unang araw na ang tingin mo sa akin ay sarili mong mundo. Hindi ko namalayan na paluwag na nang paluwag ang pagkakapit mo. Hindi na kasing-higpit ‘nung una ang paghawak mo sa mga kamay ko. Unti-unti nang dumudulas ang mga kamay mo kahit pinipilit kong isagwan ang lahat sa atin makarating lang tayo hanggang kabilang dulo. Gustong-gusto ko na ‘wag kang bumitaw. Gustong-gusto ko na patuloy kang lalaban. Pero hindi ko naramdaman na malapit ka na palang bumitaw. Ako namang tanga, pilit pang nililimas ang tubig sa loob ng bangka para tayo makasalba. Mahal na mahal kasi kita. Pero nakakapagod din pala…
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Sorry, alam mo namang mahal kita pero dumating na ako sa point na kailangan ko namang pagbigyan ang sarili ko. Kailangan ko na ring pagbigyan ang utak ko na pahalagahan ang kung anung may natitira pa sa sarili ko. Halos bumigay na ang mga ugat at buo kong katawan sa kakahila ng lubid wag lang mapatid at maputol ang kung anung meron tayo. Sorry ha, nakakapagod na kasi. Nakakapagod na ring umiiyak gabi-gabi. ‘Yung tipong magtatanong ka nang paulit-ulit sa sarili mo ng mga “bakit” pero ‘yung katotohanan, alam mo naman talaga ang sakit. Napapagod na akong maglaba ng mga unan ko na halos ‘di ko na alam ang amoy dahil ‘di ko na rin alam kung anung mga tubig ang lumalabas sa mga mata ko. Napapagod na akong mag-isip. Napapagod na akong magdasal sa taas. Mahal kita at alam mo yan. Mahal kita at sigurado akong hindi nagbago ‘yun ni minsan.
Mahal kita. Sinagad ko ‘yung pagmamahal na ‘yun hanggang kaluluwa ko na. I even asked myself kung anung nangyari sa ating dalawa. Naalala ko tuloy ang kanta ni Aiza Seguerra na may linyang, “ako ba ang siyang nagkulang o ikaw ang hindi lumaban.” Naiinis lang ako na masyado akong nag focus sa kakatingin sa mga bagay na hindi pa nanangyayari at never kong nilingon ang mga bagay na dapat naging aware ako. I embraced everything about us. I prayed for perfections to happen knowing it just a mere illusion. Hindi ko na tinanong kung saan ako nagkulang. Hindi ko na rin tinanong kung bakit hindi ka lumaban. Hindi ko na rin naman maaayos ang lahat eh. Tumitibok na ulit ang puso mo pero hindi na para sa akin. Nagliliwanag na ang ‘yung mukha pero hindi na ako ang dahilan. Hindi ka na nagigising sa umaga at napupuyat sa gabi na ako ang dahilan. Hindi na ako ang mundo mo. Sa iba na nabubuo ang araw mo. Hindi na sa akin. Hindi na ako. Patawad at napagod na din ako.
Mahal kita,
Pero konti na lang…
Photo by: Google on Display
Park En Stack Er