Current Article:

Mamahalin kita… hanggat pwede pa.

Mamahalin kita… hanggat pwede pa.
Categories Move On

Mamahalin kita… hanggat pwede pa.

Habang nagpapahinga, di ko sinasadyang tumitig sa pader.
Iniisip, ano ba ang naging balakid…
Ako ba ang naging balakid sa dapat patuloy na kwento nating dalawa?

Sa maikling oras ng pagpapahinga, hindi maiwasang hindi ka dumaan sa aking isipan.
Mga aral na aking natutunan. Mga karanasang aking pinapahalagahan.
Di ko agad agad mabitawan ang mga ito…
Alam ng Diyos na unti-unti ko nang binibitawan mga alaala ng ating kahapon.

Dahan dahan kong binibitawan ang mga alaala ng mga panahong kasama ka pa,
mga usapang tayo lang ang nagkakatugma, mga pangarap na ating hinahanda,
mga katatawanang tayo lang ang nakakaunawa.

Pilit kong iniisip kung bukas pa ba ako sa ideya ng muling pagkakataon
o sapat na ang mga nakalipas na mahabang panahon?
Alam ko Diyos lang ang makakatugon.

Sa loob ng lagpas isang dekada… Naniwala na ako na ikaw ang itinadhana.
Ikaw lang naman mula simula.
Kahit di na tayo, wala akong pinagsisihan.
Naging masaya naman tayo.
Pinaglaban naman natin ang isa’t isa pero sadyang magkaiba lang tayo ng pinaglalaban.
Pakiramdam ko ay lumalaban lang ako ng magisa.
Kung kaya’t sa mga nakaraang taon, ang puso ay di matahan.

Hindi ko pinagsisihan na ikaw ay pinalaya…
may tapang sa pagbitaw; tapang na hindi lang para sa pansarili , kundi para sayo rin.
Tapang upang maisalba pa rin natin ang pagkakaibigan, at respeto na nabuo ng ilang taon.
Hindi ko hahayaan na sama ng loob lamang ang magiging dahilan
ng pagwasak ng ating pagkakaibigang pinatibay ng panahon.

Sa pagbitaw, napatunayan kong hindi lang ikaw ang nagkulang, ako rin ay nagkulang.
Kung tutuusin, ako ay parehas na nagkulang at sumobra;
Nagkulang sa pagunawa, pagkilala, at pagtanggap sa kung sino ka at hindi sa kung sino ang magiging ikaw para sa akin.
Sumobra naman sa mga inaasahan kaya nalunod sa mga salitang nanatiling salita lamang.

Nakalimutang kong tao ka lang rin pala. Tulad ko. Nagkakamali. Nasasaktan. Hindi perpekto.  May kahinaan.
Pero tinuring kita na parang Diyos na mapagkakatiwalaan at maaasahan ko sa lahat.
Pero mali ako. Maling mali.
Ang kaligayahan, at tunay na pagmamahal ay hindi kailangan hanapin sa ibang tao.

Sa pagatras, mas naramdaman kong mas nagingibabaw na mahal kita kesa sa mga naipong mga sama ng loob.

Sa pagtapos ng ating ugnayan, unti unti kong natututunan na ang pagmamahal ay una dapat munang manggaling sa Kanya.
Siya ang naglikha at nagpakita ng tunay na pagmamahal
— isang salitang madaling bigkasin ng kahit sino
pero iilan lang ang alam ng tunay na saysay nito.
Na ito ay higit sa salita, na ito ay makikita rin sa gawa.

Ang tunay na pagmamahal ay di nauubos, at di nililimos.
Kasi ang tunay na pagmamahal ay di mapandikta, at buong ibinibigay.
Lahat ng ito ay natutunan ko sa Kanya — sa Diyos na ang pagmamahal ay di nauubos, at di napapagod.

Nawala ka man… nahanap ko naman Siya
— isang Diyos na nagiisa at di ako iiwang magisa.
Ang panalangin ko na lang ay… sana mahanap mo rin Siya.
Dahil Siya palang, sapat na.

Habang sumusulat ako sa pahinang ito, hindi ko maiwasang hindi lumuha.
Luha na puno at halo halong emosyon.
Halong saya at sakit ng mga alaala, mga tanong na “baka pwede pa”,
simpleng katotohanang miss na miss na kita, at ang pinakamahalaga:
pagkatuto ng pagmamahal sa tamang paraan — Ang pagmamahal ng malaya at mapayapa.

Ang aking tanging tanong… Isa pang muli, o ito na ba ang huli?

Isa lang ang tiyak. Mahal kita at gusto ko maging masaya ka.
Kaibigan man, o higit pa… hayaan ko na ang Diyos ang magtakda.
Sa ngayon, ako ay patuloy Niyang ipinagtitibay pa hanggat sa ako’y maging handa na…

Sa oras na yon, ako ay magmamahal ng tama.
Sa Tamang tao. Tamang oras. Tamang pagmamahal. At tamang ako.

Sa ngayon…

Patuloy lang kitang mamahalin hangga’t pwede pa.