Matapang na ba tayo nun?
Categories Poetry

Matapang na ba tayo nun?

Matapang na ba tayo nun?
Kasi nagagawa pa rin nating buksan ang bawat pinto kahit di na natin alam kung saan tayo tutungo
Kahit tayo’y talunan, pilit pa ring inilalaban kahit maubusan man ng bala sa gitna ng laban
Pilit nating inihahakbang ang ating mga talampakan kahit ito’y tila paltos at pagod na

Matapang na ba tayo nun?
Kasi mas pinili pa rin nating lagyan ng tamis ang bawat ngiti kahit puro sugat at galos na ang ating mga labi
Kahit pilit tayong sinusugatan ng mundo, ang mga markang ito ang magpapaalala sa bawat laban na pinilit maipanalo
Kahit ginagago na tayo ng uniberso, andito pa rin tayo lalaban hanggang dulo

Matapang na ba tayo nun?
Kasi mas pinili nating lumakad sa madilim at malamig na kalawakan nang mag-isa kaysa hawakan ang nag-iinit na kamay nila

Matapang na ba tayo nun?
Kasi mas pinili nating punasan ang pagpatak ng mga luha kaysa malunod sa dagat ng dalamhati na dulot nila
Na mas pinili nating humakbang at tumakbo papalayo kaysa paulit ulit na matalo

At sa huli pagpapalaya sa hapdi ang pinili; hahayaan munang maghilom; tutulungan ang sarili na makaahon sa natamong sugat ng kahapon.

Matapang na nga ba tayo nun?

(Mangalino, 2019)

Leave a Reply