Mawawala Tayo
Categories Short Story

Mawawala Tayo

“Landian lang ang gusto ko. Nagustuhan kita, kaso ikaw, e. Ayaw mo naman,” ngisi niyang nanunubok.

“Hindi ba pwedeng kaibigan lang? ‘Yong pagpapalitan natin ng opinyon sa mga bagay-bagay, ‘yong pagha-hangout, ‘di ba pwedeng ganun lang?”

Hinawi niya ang buhok. Nag-isip. Nag-alangan sa isasagot. “Pwede… Kaso ‘di iyon ang gusto ko pag-usapan at gawin, e. Pano ‘yon?”

“Edi… ” malungkot akong ngumiti. “Okay. Friendship over.” Tinalikuran ko siya at naglakad palayo.

“Teka…” pigil niya. “Ayaw mo talaga?”

Napabuga ako ng hangin saka lumingon. Pinagmasdan ko ang detalye ng mukha niyang seryoso. Hitsura pa lang, dinedeklara na kung gaano katayog ang kanyang pride. Siya ang batas na susundin ng sinumang papatol sa larong gusto niya. Hindi siya luluhod kahit kanino. Sa halip, siya pa ang luluhuran.

Nakagat ko ang labi. Ang taong ito ang mawawala ko.

“Ayoko.” Dahan-dahan akong umiling. “Talaga.”

Napaawang ang labi niya. Kumuyom ang palad sabay sa pag-iwas ng tingin.

Hindi lang ako ang mawawalan rito.

Mawawala mo rin ako.