P*t*ng *n*,
Hindi naman talaga ako nagmumura,
ngunit habang binabalikan ko
ang bawat kahapon na may ako at ikaw,
ito ang mga salitang pilit na kumakawala,
Ang tanga ko,
Sa puntong inisip ko na baka meron,
baka may kahulugan yung bawat kilos mo,
baka totoo yung mga salitang binitiwan mo,
baka ako yung taong sinasabi mong gusto mo,
baka pwede, baka kaya, baka naman higit pa
sa isang kaibigan,
“P*tch*”,
ang nasabi ko sa isip ko nung tinuro mo sya,
sabi mo..”sya yun, gusto ko sya”
basag na basag ako,
pero nagawa ko paring
tumawa at tuksuhin ka sa kanya,
Masukista ata ako,
kasi meron naman ih..
meron namang mga taong ako ang gusto,
pero ikaw parin yung paulit ulit na pinipili ko,
kahit na ang totoo..
di ka naman talaga kasali sa pagpipilian,
Ang hirap pala talagang mahulog sa malapit,
nasa tabi ka na nga di ka parin makita,
gusto mo syang ipagdamot sa iba pero hindi pwede
kasi nga kaibigan ka lang,
wala kang choice..
kundi masaktan ng paulit ulit,
umiyak ng patago,
at tumawa ng pilit,
kasi nga kaibigan ka lang,
at hanggang doon ka lang sa paningin nya,
Wala naman kasi talaga
sa plano ko ang mahalin ka,
Kasi unang una..
hindi naman talaga ikaw yung tipo ko,
at alam ko na maling mali kapag naging tayo,
Gusto kita,
mga salitang gustong kumawala
sa tuwing titingnan mo ko sa mata,
gustong gusto kita,
simula ulo hanggang paa,
alam ko hindi ka perpekto,
oo..alam ko halos lahat ng hindi maganda sayo,
pero gusto parin kita.
Alam ko na wala naman talaga itong pupuntahan,
alam ko naman ang papel ko sa buhay mo,
alam ko yung hangganan ko,
alam kong higit sa imposible yung ikaw at ako,
kaya inilagay ko nalang lahat dito..
pinagkasya sa mga titik ang bawat damdamin,
wala din naman kasi akong balak na sayo ay sabihin,
Pero pakiusap,
pakiusap naman wag mo nakong tingnan,
na parang ako lang yung taong nakikita mo,
na parang gusto mo rin ako,
Itigil mo nadin yung mga biro mo na
“tayo nalang kaya” kasi minsan napipikon na din ako
at gustong gusto na kitang patulan,
Pakiusap,
wag mo na akong dalhin kung san san,
kung sa dulo nito..
bigla mo din naman akong iiwan,
pakiusap,
wag mo na kong sasabihan
ng matatamis na salita
kasi..tanga ako,
lahat kasi yun pinaniniwalaan kong totoo,
kahit na ang totoo..
ganun ka naman talaga sa lahat ng kaibigan mo,
alam ko..
alam ko na may dulo,
yung saya ko pag ikaw ang kasama ko,
ikaw naman kasi,
sinanay mo ko na lagi kang kasama,
sinanay mo ko sa mga bagay na
ngayon kinatatakutan kong mawala,
At ayun na nga..
dumating na ako sa punto na lahat ng inipon kong
pagmamahal handa ko ng ibuhos sayo,
kung sasabihin mo lang na “oo..gusto din kita”
wala akong pake..
kahit sabihin na mali at hindi pwede,
kasi ang mahalaga sakin
ikaw, ako, ay magkaroon ng tayo,
Kaya lang..
mukhang hindi na tayo aabot dun,
kasi parang ito na nga yung dulo,
kung saan..
makukuntento nalang ako na tingnan ka
mula dito sa malapit,
gustuhin ka ng palihim,
at taimtim na manalangin na sana…
sana ibigay na sayo ng Panginoon yung
taong magmamahal sayo ng tapat at buo,
Pero habang wala pa sya..
Dito lang ako sa tabi mo,
magbibilang hanggang sampu,
sampung mga bagay na nagpapakitang
hindi mo talaga ako gusto,
baka kasi pag umabot na sa sampu..
magising na ako,
at matauhan na kaibigan lang talaga ako.