Munimuni
Categories Poetry

Munimuni

Ilang beses ko bang sasabihin ang salitang tahan?
Tumahan ka sapagkat wala na ang tahanan,
Na dati ay palagi mong pinupuntahan at inuuwian,
Wala na, ang taong tinatawag mong tahanan.

Gabi-gabi ka na lamang umiiyak na pawang walang katapusan,
Ang mga luha na patuloy na tumutulo sa bawat katotohanan,
Na ang dating kayo ay wala na, tapos na, at wala ka ng babalikan,
Dahil ang dati mong tahanan ay may bago ng kanlungan.

Ilang umaga pa ba ang dapat mong salubungin?
Hindi ka ba makuha sa kanilang mga tingin?
Kitang kita mo ang bakas ng kaligayahan sa kaniyang paningin,
Kung gaano nababalot ng saya ang kanyang matang mapang angkin.

Tama na, wala ka ng dapat pang ipaglaban pa.
Kung inaakala mong may pag-asa pa,
Puwes hayaan mong ipamukha ko sa’yo na wala na.
Hindi ka na niya mahal, ganoon ka niya pinagsawalang bahala na.

Huwag kang maging maramot sa iyong sarili.
Matuto kang magpahinga at huwag ng manatili,
Sa kung ano ang meron kayo noon.
Dahil isa na lamang itong alaala na dapat ng ibaon.

Piliin mo palagi ang maging masaya.
Sa bawat araw na may dalang ligaya.
Tandaan mong sapat ka at mahalaga ka.
Kumapit ka lang narito na ang bagong umaga.