Naway Ako’y Maging Karapat-dapat
Categories Relationships

Naway Ako’y Maging Karapat-dapat

Nagmahal at nasaktan. Bumangon at mas naging matatag.

Marahil ay maraming tao na ang nakaranas nito. Labis na nasaktan sa pag-ibig na akala ay pangmatagalan. Marahil masasabi nating sapat na ang mga pinagdaanan upang piliin natin ang mag-isa.

Ako man ay dumanas ng ganun din. Nagmahal ng lubos at nasaktan ng labis. Nasabi sa sarili na hindi na muna, na uunahin muna ang mga pangarap sa buhay at sa pamilya. Na baka hanggang doon na lang talaga.

Hanggang sa makilala kita. Nakita ko ang pagmamahal na matagal ko nang inaasam-asam. Ang atensiyon na pilit kong hiningi sa nakaraan, binibigay mo ng kusang loob at walang kapalit. At ang pag-aalaga na minsan man ay di ko naranasan.

Subalit nandoon pa rin ang agam-agam. Mga pag-aalalang hindi maiiwasan.

Naitanong ko sa sarili kung ako ba ay sapat para sa yong pag-ibig na tapat. Na sa kabila ng pinagdaanan at mga pagkakamaling nagawa, ikaw pa rin ay nandiyan. Tinitingnan ako sa mata na may labis na pagmamahal at pang-unawa.

Bakit ako? Naitanong ko sa aking sarili. Bakit sa akin mo piniling ialay ang iyong puso? Ako na may nakaraang hindi ko maipagmamalaki kailanman.

Kinuha mo ang aking mga kamay at ika’y ngumiti sa akin. Kahit walang namutawing mga salita sa iyong labi, ako ay napanatag. Sumibol ang pag-asa sa aking puso. Naramdaman ko na tunay ang iyong hangarin at ako ay napaiyak.

Nawa’y ako ay maging karapat-dapat sa pag-ibig na iyong alay.
Nawa’y maaalagaan ko ang iyong puso katulad ng kung paano mo ito nagagawa.

Nawa’y maging mas malawak pa ang aking pang-unawa sa mga panahong mahirap piliin ang magmahal.

At nawa’y mas pipiliin ko ang manatili sa mga oras na mas madaling piliin ang lumisan.

Dahil nararapat lamang na masuklian ang iyong busilak na pagmamahal. Dahil nararapat lamang na mapantayan ang kaligayahang iyong inaalay. Dahil ikaw ay karapat-dapat.