OO
Categories Poetry

OO

Kung ako ay marunong
Maglapat ng himig
Sa’yo aking sinta
Mag-aalay ng awit

Kung ako ay magaling
Sana sa pagkanta
Ika’y aawitan
Sa gabi at umaga

Ganun pa man narito
Tula ng pagsinta
At pasasalamat
Na kilala na kita

Ginoo ng buhay ko
Tugon sa aking dasal
Ang iyong pagdating
Regalo ng Maykapal

Labis ang paghanga ko
Sa’yong katatagan
Kaya mong pigilin
Tawag ng iyong laman

Gusto ko rin ang iyong
Pagtiya-tiyaga sa’kin
‘Di nag-atubiling
Puso ko ay sungkitin

Minsan naiisip ko
Anong meron sa’kin
Bakit sa akin ka
Nag-alay ng pagtingin?

Ngunit pinatunayan
Ng ‘yong mga kilos
Ang iyong sinabing
Ako’y mahal mong lubos

Masarap kang kasama
Aking kaibigan
Tunay at mabait
Aking masasandalan

Kaya wala ng iba
Ikaw lang, mahal ko
Sasabihin ko na
Buhay ko’y iyong-iyo

Lagi mo nang karamay
Sa lungkot at saya
Sa ‘yong paglalakbay
Gusto kong samahan ka

Kaya sa tulong ng Diyos
Ika’y mamahalin
Ibabalik sa’yo
Ang alay mong pagtingin

Minamahal na kita
At niri-respeto
Salamat sa lahat
Ng mga ginawa mo

Siguro alam mo na
Ang patutunguhan
Ng tula na ito
Na tila walang hanggan

Ibibigay na sa’yo
Ang gustong marinig
Oo na, iyo na
Puso ko at pag-ibig