Sa panahon ngayon, maraming sukdulan ang galit sa ika nilang “paasa” at karamihan ay naniniwala na ang mga lalake ay tila mas paasa kesa sa mga kababaihan. Ngunit di nila napagtanto na ang mga marikit na babae ay maaari ding maging paasa.
Paminsan tayo ay nagiging paasa sa kadahilanang ang mga salitang nabibitawan natin ay nabibigyan ng ibang kahulugan. Katulad nalang ng pagsasabi na darating sa takdang oras ngunit di napanagutan. O di naman kaya’y nangakong bibigyan ng isang kagamitan inaasahang mayroong matatanggap sa espesyal na araw ngunit wala naman. Sa mga ganitong paraan pa lamang ay maaari na tayong maging paasa. Kadalasan nagbibitiw tayo ng salitang mahalaga sa isang tao at di natin napapanagutan. Ugaliin nating maging maingat sa ating mga sinasabi dahil maaaring di natin napapansin ay may kaukulang ibang kahulugan.
Sabi nila walang taong paasa kung walang taong assumera. Kung ako ang tatanungin, ito ay isang malaking katotohanan sa kadahilanang ang pag aasa ay nag dudulot ng pagkadismaya kapag ito’y hindi nagampanan o napatunayan. Kung kaya’t dapat tayo ay maging maingat sa ating salita at gawa kung ayaw nating makasakit ng kapwa.
Minsan, di naman nakakasamang maging paasa lalo na’t alam natin na ito ay para sa ating ikabubuti sa huli. Minsan kina kailangan nating iwan ang isang tao dahil alam natin sa ating mga sarili na di natin ito totoong gusto. Walang mali doon. Iniingatan lang natin ang ating mga sarili na hindi mapunta sa maling direksyon at iniingatan lang natin na walang mamamagitang aabot sa pag-iibigang laro lamang. Kung kaya’t dapat tayo ay maging maingat sa taong dumadating sa buhay natin dahil hindi natin alam kung ito ba ay panandalian o pang hanggang wakas na pagmamahalan.
Subalit may mga pagkakataon na ang tao ay nagiging makasarili. Minsan may mga panahong gustong makakuha ng atensyon at kapag naibigay ay isang malaking tagumpay. Ngunit di nagtagal ay pinagsawaan at basta na lamang iniwan. Ito ang uri ng paasa na kahit sino man ay ayaw maranasan. Tila isang duwag na walang paninindigan. Bakit kailangang pumasok sa buhay na walang planong pang habambuhay? At ang pinaka masakit ay ang pagsasabi ng walang hanggan ngunit nang iwan ng walang paalam. Paminsan, kinakailangan nating tanggapin na mayroon talagang mga taong darating sa buhay natin na daraan lamang ngunit hindi tinakdang manatili na pangmatagalan.
Hindi mali ang maging paasa kung ang intensyon ay tama. Ang paghahanap ng tunay na pag-ibig ay hindi madali. Kinakailangan ng pasensya, pag iintindi at pag aaruga. Ngunit ito ay kailangang mag umpisa sa sarili. Kinakailangan muna nating matutong mahalin ang sarili bago matutong magmahal ng kapwa. Dahil ang taong buo ay hindi kailangang maghanap ng ibang tao upong buohin ang kanyang pagkatao. Sa tamang panahon, mahahanap mo rin ang taong itinadhana na hindi nagpapaasa, ika’y dapat magtiwala.