Para sa lalaking minamahal ko ngayon

Sa tagal ng panahon kitang pinanatili sa puso ko, hindi ko na alam kung paano ka paalisin.

Sa tagal ng panahon akong kumapit sa kaisipang maaaring maging tayo, nahihirapan na akong bitawan ka.

Ikaw yung ginamit ni Lord upang buuin ako sa unang pagkawasak ko, ngunit ikaw rin pala ang gagamitin niya para wasakin ako.

Oo masakit, nasasaktan ako, nasaktan mo na naman ako. Ngunit hindi kita sinisisi, hindi ako nagagalit kasi mas gusto kong unawain ka, Hindi naman kita masisisi kung hindi mo ako mahal. Ngunit pakiusap ko lamang na huwag mo naman sanang ideny na nagkapuwang din ako sa puso mo, na kahit papaano minahal mo rin naman ako ng higit pa sa isang kaibigan.

Gusto kong malaman mo na sa tuwing sasabihin nila sa akin na hindi mo ako mahal at hindi mo ako minahal ay nasasaktan ako. Bumababa yung tingin ko sa sarili ko sapagkat sa mata nila ako lang yung nagmamahal, ako lang yung naghahabol…..

Pinili kong manatili sayo, pinili kong piliin ka kaysa sa iba, pinili kong mahalin ka kahit masakit. Ilang beses kitang nakitang nagmahal ng iba,ilang ulit yung taong malapit pa sa akin.Masakit, Oo masakit pero kahit masakit nanatili pa rin ako, kahit nakakalimutan mo ako kapag may iba kang gusto. At muling maalala kapag nawala na sya o nawalan ka ng pag asa sa kanila. Ngunit uulitin ko pinili kong manatili sapagkat minamahal kita.

 

Ilang beses kong sinubukang mag “Move on” ngunit hindi ako nagtagumpay. Hindi ko na nga ata mabilang kung ilang beses ko nang nabigkas ang salitang “Ayoko na sayo” “nakamove on na ako” ” Hindi na kita mahal”  ngunit tila kinakain ko lahat ng sinabi ko.

Ilang beses ko na ring iniyak sa Panginoon lahat ng sakit, Ilang beses ko na ring iniyak na tanggalin yung pagmamahal ko para sayo ngunit hindi pa rin nawawala. Sinubukan ko naman!  Huwag kang mag alala sinubukan kong kumawala sayo, sinubukan kong hindi ka mahalin, sinubukan kong hindi ka isipin, sinubukan kong lumayo sayo, sinubukan kong iwasan ka, sinubukan ko! Ngunit hindi ako nagtagumpay.

Ngunit iba na ngayon, mas masakit, mas nasaktan mo ako, mas nadurog ang puso ko ngayon. Naulit na naman ang nakaraan ngunit ayoko nang ulitin ang pagkakamali ko noon.

Kaya para sa lalaking minamahal ko ngayon, Patawad ngunit kailangan ko munang dumistansya sayo. Kailangan ko ring iligtas ang puso ko sa sakit. May mga panahong nahihirapan akong huminga, naninikip ang dibdib ko ,parang nilulunod ako ng sakit at lungkot. Alam ko na maaaring bumigay ang puso ko kaya didistansya muna ako. Ililigtas ko muna ang sarili ko. Pagpapahingahin ko muna ang luha sa aking mga mata. Patawad!

At huli, Para sa lalaking minamahal ko gusto kong sabihin na isinasara ko muna ang sarili ko sayo ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala na akong pakialam sayo. Ipagdarasal pa rin kita hindi na para mapunta ka sa akin ngunit para ikaw ay mapabuti.

Bumibitaw,

Ang babaeng nagmamahal sa iyo.