Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Para sa taong pipiliin niya,

Pinili ka niya kahit alam niyang may gusto ako sa kanya. Kahit mas kilala ko ang bawat kilos niya. Bawat pagtahimik niya. Bawat titig niya. Nakita ko na kung paano siya maging malungkot at maging masaya. Narinig ko na din siyang umiiyak at humahalakhak.

May mga pagkakataon na parang nakakatakot siyang lapitan lalo na kapag galit siya o kaya biglang nagtampo, pero kapag lumapit ka papansinin ka pa din niya.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Malalim yang magmahal na para bang dadalhin ka niya sa kailaliman ng dagat para sisidin ang lahat ng tungkol sayo. Pero wag kang mag alala, matatanggap niya lahat ng kwento mo – – gaano man kaganda o kasama ito.

Sa araw na ikaw ang pinili niya, tanggapin mo sana ito. Isang taong tanggap ka ng buong-buo ang pipili sayo. Hindi siya basta lang na magiging kasintahan mo. Lahat nasa kanya na, pati pagiging hindi perpekto. Kaya sana buo mo ding siyang tanggapin at unawain kapag pumasok siya sa buhay mo.

Hindi mo ako kalaban, kakampi mo ako. Pwede mo akong tanungin kapag pumasok sa isip mo na hindi mo na siya kayang intindihin. Mahirap lang sa una pero kapag nakilala mo na siya, mas magiging malalim ang pagtingin mo sa kanya.

Kapag dumating ka na sa buhay niya, isa ako sa pinakamasaya. Isa lang ang hiling ko sayo, sana araw-araw mo siyang mahalin kahit sa mga pagkakataong pakiramdam niya ay hindi siya kamahal mahal. Alagaan mo siya dahil tiyak ko na aalagaan ka niya.

At huli kong hiling at payo sayo, wag mo akong burahin sa buhay niya. Sana tanggapin mong parte ako ng buhay niya kahit pa dumating ka. Wag mo siyang papiliin dahil una pa lang ikaw na ang pinipili niya.

Napakaswerte mo dahil kahit ako ang kasama, ikaw pa din ang iniisip niya. Na para bang kahit buhay ko pa ang ibigay ko sa kanya, hinding hindi kita mapapalitan sa puso niya. Hindi kita mapapantayan o mahihigitan man lang sa kanya. Madami kaming pangarap, pero tutupadin niya yun na ikaw ang kasama.

Sana mahalin mo siya ng walang kondisyon, sa kahit anumang sitwasyon o pagkakataon. Ikaw man ang pinili pero hindi ibig sabihin kailangan kong magalit, layuan o kalimutan siya. Mahal ko yan pero mas mahal ka niya. Ingatan mo siya ha, matagal ko yang ipinagdasal at hinintay pero ikaw pala ang gusto niyang makasama habambuhay.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required