Perpektong Pagkakataon
Categories Poetry

Perpektong Pagkakataon

Nakikita mo ba kung gaano karaming bituin ang isinabog ng Diyos sa kalawakan?
Kung paano kapino ang mga buhangin na pumupuno sa kalupaan?
Mga dahong nagbibigay oksiheno para mabuhay ang mga nilalang?
Kung gaano kaliwanag ang araw at buwan na nagsisilbing gabay araw at gabi?

Masasabi kong ang bawat  buhay ay may esensya.
May puwang sa napakalawak na uniberso.
May ginagampanan sa pag-inog ng mundo.
Na kung imamapa, tayo ay tila mas maliit pa sa tuldok ng isang pluma.

Ngunit nakakamangha.
Maaring piliin ng Diyos na tayo’y maging tala,
maging buhangin,
maging dahon,
maging araw,
maging buwan.
ngunit naririto tayo.
pinagsalubong ang mga paa.
pinagtagpo ang mga mata.
hindi ka na maaaaring hanapin pa.
hindi ka na maaaring pakawalawan pa.

dahil isang beses lang sa magpakailanman
ang mabuhay ang isang tulad mo.
isang perpektong pagkakataong makilala ka,
makausap ka.
mahawakan ka.
makasama ka.
at isang perpektong pagkakataon ang mahalin ka.