Alam ko… Sanay akong mag-isa…
Categories Poetry

Alam ko… Sanay akong mag-isa…

Sanay akong mag-isa…

Naglalakad sa gitna ng init ng tanghaling-tapat:
Isang isip na sa galaw ng abalang lungsod ay sumisipat.
Nayayamot sa hampas ng araw sa balat,
Sumisimangot sa ingay ng mga tao’t sasakyang nagkalat.

Sanay akong mag-isa…

Nagmamaneho sa gitna ng kadiliman ng gabi:
Isang kaluluwang binabagtas ang kalsadang sa mapa’y nakahabi.
Nilalasap ang malamig na yakap ng hangin,
Ngumingiti sa liwanag ng buwan at mga bituin.

Sanay akong mag-isa…

Tumutungo sa nakahiligang kainan:
Isang batang natutuwa sa sulyap ng mga pagkaing nakalarawan.
Ninanamnam ang sarap ng mga nilutong hayop at halaman.
Ngumunguya at lumulunok habang nasisiyahan.

Sanay akong mag-isa…

Nilalatag ang patang katawan sa higaan:
Isang damdaming pahinga ang kagustuhan.
Natutulog nang maligayang sukob ng kumot at katabi ang mga unan.
Nananaginip nang maluwat habang diwa’y nasa kalawakan.

Sanay akong mag-isa…
Hanggang sa aking buhay ay dumating ka…

Aking kasamang naglalakad sa tanghaling tapat.
Sabay tayong naiinis sa mabagal maglakad.

Sanay akong mag-isa…
Hanggang sa aking buhay ay dumating ka…

Aking angkas habang nagmamaneho sa gabing buwan at mga tala ang nakasulyap.
Sabay kayo ng hangin sa aki’y nakayakap.

Sanay akong mag-isa…
Hanggang sa ika’y sumama sa iba…

Hinahanap ang iyong halakhak habang ako’y nasa nakahiligang kainan.
Hinahanap ang init ng iyong mga haplos habang ako’y nasa aking higaan.

Ang buwan, mga tala, ang hangin, at ang araw ay nagtatanong:

Bakit dumating pa s’ya ‘kung sa huli’y kakailanganin mo ring sanayin ang sarili mong muling mag-isa?

Prev A Letter She Left
Next Take Your Time

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *