Hindi ko alam sa sarili ko kung itutuloy ko bang subukan kung may pagkakataon ba ako sa’yo,
dahil madalas, sa tingin pa lang ng mga mata mo, parang ayoko ng lumapit sa’yo.

Ang galing nga eh, yung mga mata mo pa lang, nangungusap na agad, sabayan pa ng masungit na tingin mo,
Kaya doon pa lang, parang nagdadalawang-isip na ako kung itutuloy ko pa ba ito o hindi na lang.

Hindi nagbago ang first impression ko sa’yo mula nung nakilala kita, na tahimik ka lang, pero masungit;
Pero sa kabila ng first impression na iyon, pakiramdam ko naman ay mabait ka at masaya kang kasama.

Hindi ko nga akalain na ngingitian mo ang isang tulad ko nung araw na nagkakilala tayo, tas may pabaon ka pang kaway.

Habang ang puso ko ay nagpahinga ng mahabang panahon, sa’yo ko lang naramdaman uli yung saya ng magmahal muli.

Sa mga mata mo ay nakikita ko na ikaw ay mahalaga sa akin, at sa iyong mukha ay nakikita kong hindi ka mahirap mahalin.

Handa na akong magmahal muli at buksan ang puso ko, dahil nandito kang muli sa buhay ko, sa pangalawang pagkakataon.

Nais ko lang sana ay bumalik uli tayo sa umpisa kung sakali, tulad nung mga panahon na tayo ay nagkakilala, at ikaw ay dumating sa buhay ko.