Ang dami kong gustong sabihin. Pero siguro, sa akin na lang yun. Ayoko naman magmukhang kawawa sayo. Nakakadurog lang kase sa dibdib, na malaman kong may gusto ka nang iba. Sa katunayan, inexpect ko na to. Na darating din tong araw na to. Ang sakin lang naman, napapaisip ako… ano kaya ang kulang ko?

Totoo naman na magkaibigan tayo, gusto kong tanggapin pero iba ang kagustuhan ng puso ko. Ba’t ba di ko matanggap. Di ko kase maiwasang umasa eh. Ang sarap lang kasi sa pakiramdam na gabi gabi tayong nag-uusap. Na pag natatakot ka sa dilim ako yung tinatawagan mo.

Ang saraaaap, pero may katumbas rin palang pait.

Grabe, ipinagdadasal ko na sana dumating na yung taong para saken, pero pinipilit ko na sana ikaw yun. Pinagdadasal ko na sana dumating yung araw na ako yung magustuhan mo. Na sana ikaw ang mapapangasawa ko.

Gusto kita, pero ang hirap na. Ang hirap maging kaibigan lang. Pero naalala ko, mas mahirap yung mawala ka buhay ko. Kaya wala akong choice kundi manatiling kaibigan na lang.

Para kahit papano may maibigay akong pagmamahal sayo, kahit na sa paraang kaibigan lang.

Wag kang mag-alala. Kaya ko pa naman. Hirap lang pero di ako bibitaw. Hayaan mo lang akong mag-pigilan ang puso ko. Hayaan mo akong ibaon ko ang pakiramdam kong ito. Kase sa ganitong paraan alam kong dito ako tatatag. Ayokong magsinungaling sa sarili kong di na kita gusto. Kaya hayaan mo lang ako. Pero sana, kung may himala man na mabago sa landas natin, sana di magiging huli ang lahat.