SA TOTOO LANG
Categories Poetry

SA TOTOO LANG

Nakakapagod

ang palagiang makaramdam ng lungkot

makaramdam ng takot

maramdaman na mag-isa ka

na sa iyong pag-iisa ay may mga salita na laging bumubulong at gumagambala

na sa tuwing sasapit ang alas dose nang gabi

unan ang nagiging sandalan

kumot ang siyang kinakapitan

binabalot ang puso ng puot

hindi alam kung paano pipigilan ang paghikbi

kung paano patitigilin ang pagtulo ng mga luha

dahil pagod ka na

na gumising sa umaga na may mugtong mga mata

at magpanggap na okay ka

 

Nakakapagod ang paulit-ulit makarinig ng pambabatikos

isang hindi nakikitang posas

na siyang gumagapos at dumidikta

na dapat ganyan ka

dapat ganito ka

hindi pwedeng maging iba

dahil sa mata nila

kapag iba ka

hindi ka pasok sa sistema

 

Nakakapagod ang pagtatanong sa sarili

kung saan ka nga ba nagkulang

kung saan ka ba nagkamali

kung ano pa ba ang dapat mong gawin

para lang sumaya

para maging tama

para maramdam na may pakiramdam ka pa

na hindi lang puro lungkot

na hindi lang puro hinanakit

na hindi lang puro galit

na sana saya naman

na sana katahimikan naman

kahit panandalian lang

maramdaman naman sana ang pagiging malaya