Salamat sa Hindi Pagsuko
Categories Relationships

Salamat sa Hindi Pagsuko

Bigla kang kumatok.  Nag-isip ako kung tatayo ba ‘ko para pagbuksan ka pero masyado na ‘kong abala sa pag-iisa.   Matagal-tagal na mula nang may huling kumatok na pinagbuksan ko. Napatanong ako sa sarili kung sisilip ba ‘ko,  masyado kasing marami ang kandadong nilagay ko para walang makapasok.

Pagbubuksan ba kita?

O katulad ka rin nila?

Nakaupo ako habang pinakikinggan ang pagpaparamdam mo.

Madalas sunod-sunod pero may mga araw na wala ka,  napapaisip tuloy ako kung ang isip mo ba ay nagbago na.

Naghihintay ako sa muli mong pagpaparamdam pero nalulungkot akong parang sumuko ka na.

Wala na ang tunog ng mga katok mo na dati ay musika sa tenga ko.

Tinanggal ko ang isa sa mga kandado pero nag-alangan ako,  pa’no kung may makapasok at saktan lang ako.

Pero susugal ako ngayon.

Isa,  dalawa,  tatlong kandado ang nasa sahig ngayon na sa mahabang panahon ay naroroon para itago ako.

May ilan pang kandado pero nilamon na naman ako ng takot,  ng kaba at pag-aalinlangan.

Bakit ako nagtanggal ng tatlo?  Delikado na ata ito. Bakit ko babalaking buksan ang pintong ito?

Natuwa sa muli mong pagpaparamdam at nagtanggal ako ng ilang kandado. Hindi na muling nabakante sa pandinig ko ang presensya mo.   Matyaga kang kumatok pero napaupo lang ako sa sahig na puno ng takot.

Pa’no kung magkamali ako?

Pa’no kung hindi ko pala dapat pagbuksan?

Pa’no kung masaktan na naman ako?

Hindi ka napagod at hindi ka sumuko pero ako itong nilamon ng takot. Baka mainip ka at umalis na lang,  pakiusap,  konting pasensya dahil hindi ko pa kayang tumayo at pagbuksan ang pinto. Natatakot ako.

Hanggang makarinig ako nang ingay.  Tila ba may bumasag sa salamin ng bintana,  may isang Lalakeng pumasok doon at ngumiti sa ‘kin.

“‘Wag kang matakot.  Sa pagkakataong ito,  kasama mo ‘ko.”

Naluha ako at napayakap sa Kanya.

Tinulungan N’ya akong unti-unting tanggalin ang mga kandado hanggang makita ko ang pinto ko,  maaliwalas nang tingnan bakas man ang mga pilat at ilan pang mga sugat.

Ngumiti S’ya sa ‘kin at sumenyas na pagbuksan ko na ang kumakatok kaya lahat ng agam-agam at takot ay biglang naglaho.

Magkahawak kami ng kamay nang buksan ko ang pinto,  napaluha ako sa nasilayan ko.

Ibang saya nga talaga—tulad ng naririnig ko—ang mararamdaman mo kapag alam mo sa puso mong ang tamang taong ibinigay N’ya ay nasa harap mo na.