Sana sa susunod na kwento ay matuloy na.

Napanaginipan kita kagabi.
Pagkagising ko, hindi maalis ang mga ngiti sa labi.
Nais kang makausap tulad doon,
upang maintindihan ang mga bagay na hindi ko naiintindihan ngayon.

Mabawasan man lang ang pag-alala
at matigil na itong pagluha.
Ngunit, ang reyalidad ay iba rito.
Kahit na pinaglalapit ay magkalayo tayo.

Patawad kung pinipilit ko umiwas na,
dahil natatakot ako na masaktan ka.
Huwag mo na lang sana pansinin.
Darating ang araw na lahat ay magiging maayos din.

Gulong-gulo pa rin ako. Hindi ako buo;
Hindi maayos kaya hindi ako sigurado.
Kaya hayaan mo sana na ang
Panginoon na ang magtama
Ng lahat at ibigay sa Kanya ang panulat nang hindi na tayo mahirapan pa.

Sobrang mahalaga sa akin na maayos ang lagay mo.
Sa mga panalangin ko ay naroon ang pangalan mo.
Kaya palayain na lang muna natin ang bawat isa.
Dahil mula sa distansya ay mararanasan ang paglaya.

Gusto ko ng sagot mula sa taas.
Matagal na ako rito nalilito at tumatakas.
Pansin kong hindi na rin tayo kasing payapa tulad ng dati.
Nabago siguro ng tunggalian sa isip na hindi natin masabi.

Sa tingin ko mas kaya mo kaysa sa akin.
Pero ito na nga ang pinakatamang piliin.
Hindi pala lahat ng magkapareho ang nararamdaman
Ay matapang na isa’t-isa ay ipaglaban.

Sana sa susunod na kabanata ay hindi pa huli,
malinaw na sa atin kung tayo nga para sa Diyos, sapagkat wala nang mali.
Sigurado na tayo at hindi ka na mabilis sumuko.
Hindi na rin kalaban ang sarili kagaya sa lumang kwento.

Exit mobile version