Seryoso’t Sigurado
Categories Relationships

Seryoso’t Sigurado

Para sa Fiancé ko.

Hindi ko akalain na ang susunod na piyesa ay magiging tungkol sa atin.
Hindi ko alam paano umpisahan,
tulad ng pagmamahalan na di ko naman inasahan.

Pero sige, subukan nating umpisahan sa unang pagkakakilala.

Sa unang pagkikita.
Boses mo ang nangingibabaw, umaalingangaw na tila bang nakakairita.
Nasundan ng isa, dalawa, tatlo, apat, lima, hindi ko na mabilang, alam ko lang walang ilang pagkausap kita.

Hanggang sa maglahad ka ng tunay mong intensyon, na nagdulot ng maraming kwestyon.
Bakit ako? Paano nangyaring ganun?
At kung maging tayo, paano, ang kahapon, bukas at ngayon?

Seryoso’t sigurado. Mga salitang paulit ulit na sa isip ko’y tumatakbo.
Mga salitang naging kasagutan sa aking pagsaklolo.
Kasagutan sa panalangin ko.

Oo, eto na to’ pag ibig na nga to.

Di ko akalaing yung boses mong umaalingangaw nung una, ang syang hahanap hanaping pakinggan ng aking mga tenga.
Ingay na nagmistulang isang musika.

Tuwing kasama kita, tila ang mga problema’y kusa na lang nawawala.
Ah hindi, meron din naman pala.
Problema kung paano kumawala, sa mga nakakatunaw na tingin ng ‘yong mga mata.
Problema kung paano pigilin ang sarili sa kilig sa tuwing ika’y kakanta.
Problema paano pabagalin o kahit patigilin ang oras, kapag kasama kita.

Pero hindi ko kayang pigilin ang oras sa pagtakbo, hindi ko akalain na napakablis neto.
Hindi ko napansing ang paglipas ng araw at pagikot ng mundo, at sa loob ng anim na buwan, yayayain mo kong maging asawa mo.

Hindi ko mapigilang, maluha.
Maluha sa kung paano ka binigay ng Nilikha.
Hindi ko mapigilan mamangha,
Mamangha sa istoryang alam kong Siya ang may katha.
Istoryang alam kong Siya ang nasa gitna.
Hindi ko mapigilang, matuwa.
Matuwa, dahil alam kong kasama na kita sa pagtanda.

At sa ating pagtanda, mahal, malimutan ko man ang pakiramdam ng pag hawak ng ating mga kamay,
mga balikat na sa pagtulog ay umaalalay,
mga yakap na ayaw maghiwalay.

Mahal ko, makalimutan ko man ang lahat,
pagtitiwala at pag-ibig ng Diyos ay magiging sapat.
Sapat para maalala ang mga pangakong binitawan sa isat isa.
Sapat para maalala na una Niya akong minahal, kaya minahal kita.

*I don’t usually do this; joining and sharing my piece. Pero gusto ko lang ipagsigawan how mindful and faithful God is in every area and season ng buhay natin. ❤️

Thank you boilingwaters!