“Siguro-Tayo”
Categories Short Story

“Siguro-Tayo”


Muli kang nagparamdam kagabi. Sabagay, madali lang naman ang bumati sa sandali na maalala mo. Napansin mo pala, na ang mga nakaraang mensahe ko ay ‘di na katulad nang dati sa kung paano tayo nag-uusap, sabi mo, parang hindi na ako interesado. Mali ka, hindi sa hindi na ako interesado, pero ayaw ko lang na magkaroon pa ng ugnayan tayo.

Siguro, nagsawa na ako. Nagsawa na sa paulit-ulit na takbo ng ating kuwento. Lagi mong sinasabi na sumubok tayo, kasi baka sa dulo tayo. Baka nung nakaraan ay hindi pa lang nakatadhana kaya kahit anong pilit at pagtatangka, nauuwi lamang tayo sa wala. Noong una, pangalawa at pangatlo pa nga, naniwala ako. Baka nga dati, masyado lang tayong mapusok, dala ng pagkabata, masyado lang tayong nadadala. Nadadala sa maling ideya ng pag-ibig, kaya sa tuwing nauuwi tayo sa wala, nawawala rin ang koneksyon nating dalawa. Hanggang lilipas ang araw, buwan o taon, at sa sandali na maisipan mo muli kang babalik at magtatangka, ibabalik mo ang ideyang, baka ito na ang tamang sandali na hinihintay nating dalawa. At baka maaari na ulit magbakasaling, mayroon na tayong mararating. Ngunit bakit sa maka-ilang ulit na pagbabakasakali, hindi pa rin natin mahanap ang kasiguraduhan sa isa’t isa?

“Siguro, tayo.” Ilang ulit pa ba tayo maniniwala at aasa sa mga katagang ito?