Sugat ng Kahapon
Categories Faith

Sugat ng Kahapon

Ako ay natigil sa paglalakad ng makita ko Siya.

Unang pumukaw sa Kanyang paningin ay ang mga sugat sa aking katawan.

Alam kong ang mga mata Nya’y nangungusap at tila ba humihingi ng kasagutan.

Sa paglabas ng mga dahilan sa pamamagitan ng salita ay muli kong tinanaw ang daang aking tinahak.

Malayu-layo narin ang aking narating at kahit hindi masukat ng aking paningin,

Masasabi kong may pag-usad ang aking paglalakbay.

Aking hinimay-himay ang mga pinagdaanang bundok, ilog, pakikipaglaban sa mga mababangis na hayop  at ang iba pang panganib na aking naengkwentro sa daan.

Ang mga sugat ng kahapon na pilit kong nilimot ay utay-utay na nagdurugo at umaagos sa aking balat.

Marahil ay ito’y sariwa pa at kailangan pa ng matagal na panahon para tuluyang humilom.

Ngunit ang iba nito ay marka na lamang ang naiwan ngunit may malaking parte parin itong sinakop sa aking balat.

Nakita ko kung paano nanlambot ang Kanyang paningin at kung paano Niya hinugot sa Kanyang bulsa ang isang puting tela sabay punas sa aking mga sugat.

Naramdaman kong unti-unting gumaan at nawala ang lahat ng pangamba.

Hindi ka nag-iisa. Sasamahan kita,” Winika Niya.