Takot Akong Mahulog Mag-isa.
Categories Poetry

Takot Akong Mahulog Mag-isa.

Paglabas ng trabaho, binilasan ko ang aking mga paa.
Iniisip kong sana maabutan ka.
Hanggang sa pagtawid ng kalsada,
Nagmamadali na tila’y naiwan na.

Nakita kita, binilisan ko pa.
Baka sakaling sayo ay mapadpad.
Nilakihan pa ang aking hakbang
Baka sakaling ika’y maabutan.

Hanggang sa wakas, naabutan kita.
Pinalo ko sayo nang mahina ang aking baunan
At iyong sinabi “Himala nagmamadali ka ata”
Ngiti lang ang aking tinugon.

Sumakay tayo sa jeepney, sa dulo nakaupo.
Magkatapat ng upuan.
Subalit parang may katahimikan.
Kahit sa trabaho’y tayo’y nagkukulitan.

Bigla mo akong pinaalalahanan,
“Baka mahulog ang iyong baunan”.
Pero bigla kong naisip,
Sa iyo’y mas nahuhulog ang aking kalooban.

Habang nasa biyahe, tila nakakabingi.
Ang katahimikan natin, wari’y mga pipi.
Habang ako’y nakatingin sa kawalan,
Pinagmamasdan ang mga sasakyan.

Ika’y masyadong nakatutok sa iyong telepono
Para bang ito’y aagawin sa iyo.
Hanggang sa pinili mong pumikit.
Kahit man lng matulog saglit.

At doon ko natitigan ang iyong mukha,
Napakaganda ng mata,
Napakanipis ng mga labi,
At napaka gwapo ng iyong katauhan.

Habang aking tinitignan, bigla akong natakot.
Bigla akong nakaramdam ng lungkot.
Para bang may kirot na nadama.
Kahit dapat naman wala talaga.

Takot, baka mahulog mag-isa.
Lungkot, kasi alam kong kaibigan lang talaga.
Kirot, dahil lalaki ka bakla lang ako.
At hindi ko kaya na ganoon.

Tinigil ko nang tignan ka.
Kasi baka magising ka
At ako’y mahuli mo pa.
Ayaw ko namang magkailangan pa.

Bigla kitang kinalabit,
Sapagkat akoy’y bababa na.
Gusto ko pa sana sumama
At huwag munang bumaba.

Kaso kailangan ko rin umalis na.
Baka kasi sa aking pagsama,
Magmukha lang akong tanga.
Kasi baka di pala ako ang gusto mong maging kasama.

  • Pero kung dumating yung araw,
    At napagtanto kong mahal ka na.
    Sana pag nabasa mo ito,
    Wala pa ring mag-iiba.