Tanda mo pa ba?
Noong unang beses na nagkita
Hindi inakala na ang malamig na kamay ang magdadala
Maghahatid sa kung ano pala ang meron tayong dalawa di ba?
Tanda ko pa noong unang beses na lumingon ako para hanapin ka
Ilang hakbang, ilang hakbang na paulit-ulit kong iisipin na ‘di pinagsisihan
Hinawakan ka ngunit ‘di na sinubukang tignan pa
Siguro, dala na rin ng hiya na nadarama
Hindi makatingin, hindi makasilip pero alam at ramdam ng puso ko
Na higit pa sa kasiyahan lalo pa na ngayo’y nandito ka
Naglakad, nagtulakan, naghatakan
Pero ‘di ko nakalimutang trinato ka na parang princesa
Hanggang dumating ang pagkakataon na umawit ka
Kamuntik ko nang makalimutan kung ano ba
Kamuntik ko nang makalimutang nasaktan pa
Kamuntik ko nang makalimutan kung sino ba
Sa pagsapit ng dilim ‘di inasahan na magagawa
Pero uulitin ko sayo lahat nang ‘yon sa akin ay malinaw
Ginawa at hindi pinagsisihan
At sa pangalawang araw nadatnan ka
Di ko inasahan na ika’y madadala
Madadala sa lugar na ako lang ang may alam
Na sa pagkatao ko lamang ipapaalam
Ngunit hindi rin nga nagsisi sa pangalawa
Dahil hinayaan na papasukin ka
Na kahit walang kasiguraduhan, hahayaan ka
Na sa sandaling ‘yon, alam ko na totoo ngang nandito ka na
Sinubukan pero hindi kinaya
Na kahit pa ilihis ang tingin sayo hindi ko nagawa
Sadyang alam lamang ng aking nararamdaman
Kung nasaan ang aking tahanan
Na kahit pa lumingon ako sa iba
Patuloy pa rin na hahanapin ka
Pinili na lakarin ang malayong baybay
Oo nga’t walang dagat, walang dagat na nalalakaran
Pero nandun ka, na isang kapayapaan na sa magulong mundo na ‘to
Parating ikaw ang katahimikan
Hindi ko inasahan na sasandal sa ‘yong balikat pero aking nagawa
Hindi ko pinagsisihan na sa bawat dilim at bawat gabi, sa bawat ilaw na nagiging tanglaw
Nakikita ko, nakikita ko ang kislap sa ‘yong mga mata, ang ngiti sa ‘yong labi
Na paniguradong ‘di ko makakalimutan kahit bumalik pa
Na kahit na paulit-ulit na balikan hindi na magbabago ang unang gabi sa kung paano ka kinilala
At sa pangatlong beses na nakita ka, hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat na maramdaman
Halo-halong emosyon pero walang magawa kundi maging masaya
Maging masaya sa bawat sandali na kasama ka
Na hindi ko alam kung paano nagkasya sa aking balikat
Na hindi ko alam kung paano nagkasya sa aking mga bisig ang gaya,
Ang gaya mo na mas malaki pa sa mundong ‘to,
Mas malaki pa sa kung ano ang iniisip ko
Sa bawat salita, sa bawat pangungusap na lumalabas
Isa lang naman ang sigurado hindi ba?
Na sa bawat araw na nakakasama ka, mas nagiging malinaw na ako’y nahuhulog nga
Hindi inasahan na ako’y susurpresahin mo pa
Walang inasahan pero nangyari nga
Hindi inakala na sa buong araw na ‘yon magiging masaya
Mas masaya pa sa kasiyahan na naramdaman ko noon mula sa kanila
Na kahit pa maghapong umupo, maghapon na magkuwentuhan tila ba isang
Isang taon ang tinagal na hindi kayang sukatin ng sino pa
Bumalik, naglakad, nagpakasaya
At sa bawat hakbang na ‘yon, hakbang pala sa kasiyahan
Pinasilip ang mundo ko at hinayaang makita mo
Sa bawat sandali na nanatili sa sasakyan ng gabing ‘yon
Pakiramdam ko ayoko na, ayoko nang tumigil, ayoko nang matapos dahil nandun ka
Pinag-usapan ang tayo, hindi man sa ngayon pero naniniwala akong magiging tayo
Hanggang sa dumating ang huling beses na nakita
Ang huling beses na nakita ang mga ngiti, ang bawat pagsilip sa aking mga mata
Hindi inasahan pero ‘yon naman di ba?
Na kung ano pa ang mga bagay na hindi mo inaasahan
Yun ang nagbibigay ng kasiyahan
Panandaliang kasiyahan pero babauunin mo habang buhay
Maraming pinuntahan, maraming dinaanan, maraming tao ang nakita
Pero ikaw, ikaw pa rin ang paulit-ulit na titignan
Sa magulo at maingay na mundo, ikaw ang katahimikan
Sa bawat pasulyap sa iyong mga mata, sa iyong pag-ngiti na kahit madilim ang tala nakikita ka
Na habang hawak ang ‘yong mga kamay hindi ko mapigilan,
Hindi ko nagawa pero sinubukan
Hanggang sa matapos ang araw nating dalawa
Na inamin ko sayo nang harapan at ‘di ko pinagsisihan na binaba ang aking hagdan
Hagdan para ikaw mismo ang maparito
Dito, dito sa puso ko na naghihintay sa pagdating mo
At sa tamang panahon, sa tamang panahon mangyayari
Mangyayari sa kung ano man ang sabay ipinanalangin kay Bathala
Hindi ko alam kung paano, saan at kailan nag-umpisa ang lahat
Pero isa ang sigurado
Gustong – gusto kita