Just because I don’t often show how much I love you doesn’t mean I don’t love you to death. Hindi mo alam kung gaano ko kagusto ipakita sayo yung pagmamahal ko, hindi mo alam kung gaano ko kagusto maglambing sayo oras-oras, minu-minuto o kahit pa segu-segundo. Natatakot lang ako dahil ‘di ko pa alam ang timpla mo, kung gaano ba katamis ang gusto mo. Ayokong maumay at magsawa ka sa tamis dahil lang sa ako’y lumabis.

Alam ko kung gaano kahirap para sayo ang magmahal at magtiwala ulit. Alam ko na mahirap para sayo ang mag-umpisa ulit ng panibagong kwento kasama ko dahil sa mga pangyayaring hindi mo gusto na ginawa ng mga unang minahal mo.

You are worth it, you are valued. Wag mong isiping wala ng magmamahal sayo ng lubos dahil lang sa sinadya kang saktan noon. Wag mong hayaang kainin ka ng sakit at pait ng nakaraang nagdaan.

Sa mga araw na kasama kita alam kong sa bawat ngiti at tawa mo’y may lungkot at pagdududa. Mahal, alam kong hindi ka sigurado dahil ayaw mo na ulit masaktan pero sana’y wag isarado ang pinto sa ating kwentong mabubuo.

Oo, mahirap kung iisipin dahil sugal ang ating pipiliin pero sana’y wag kang matakot dahil nandito ako upang tulungan kang makalimot sa masalimuot na pinagdaanan sa iyong dating kasintahan.

Nandito ako upang ipaalala sayo na sa bawat pait ay maganda ang kapalit. Nandito ako upang ipaalam sayo na hindi mali ang magmahal ulit, na sa pagkakataong ito handa akong masaktan matulungan ka lang.

Susubukan kong iparanas sayo ang mga bagay na hindi mo pa naranasan sa iba.

Aalalayan ka sa mga bagay na takot ka upang maramdaman mong hindi ka nag iisa.

Na sa bawat hakbang mo palayo may aasahan kang tatakbo palapit sayo.

Tatanggapin ang mga bagay na mahina ka at ‘di mo kaya, mga bagay na nahihirapan kang sabihin sa iba.

Ipaparamdam sayo nakarapat-dapat kang mahalin, pagbigyan at intindihin.

Aamuhin, susuyuin sa tuwing gusto mo ng lambing. Lalake ka pero sa bawat lambing ko, meron kang naihahambing.

Gusto kong makuntento ka sakin, mali man sa paningin ng iba ang pagpapakatanga para mahalin ka. Para sakin kulang pa ang ginagawa ko para angkinin at mapasakin ka.

Oo, mahal. Mahal kita at mamahalin kita sa paraang hindi naipakita at pinahalagahan ng iba. Mahal kita at mamahalin pa dahil karapat-dapat kang maging masaya, karapat-dapat kang makaranas ng pagmamahal na higit pa sa kaya nila. Mahal kita at mamahalin parin kita kahit na ipilit ako sa iba, dahil alam kong darating din tayo sa panahong kaya mo na kong mahalin sa paraang alam mo, sa paraang hindi mo na kaya itago ito sa ibang tao.