“24”
Categories Confessions

“24”

Iniiibig Kong, Heathcliff,

            Siguro nagtataka kung bakit nakatanggap ka ng sulat mula sa akin. Wag kang magalala, nagtataka din akong umabot ako sa punto ng buhay ko na sumusulat sa iyo. Wala akong masabing tumpak at tamang rason kung bakit nagustuhan kita at minamahal na kita. Medyo korni mang pakinggan, pero isang araw, nagising na lang akong inaamin sa sarili kong gusto na pala kita. At dahil madalas na nga tayong nagkakasama at nagkikita, lumalim din ang pagtingin kong iyon. Pagpasensyahan mo na sana at umabot ako sa pagsulat sa iyo. Maaring isawalang bahala mo na lamang ito o wag mo na lang basahin. Wag kang magalala, ayos lang sa akin. Bagamat minamahal kita at gusto kita, hindi naman akong umaasa na maari mong masuklian ng parehong damdamin ang nararamdaman ko. Ayos na akong makita kita sa malayuan, makausap pa minsan, makangitian at makatawanan. Huwag nga lang sanang dahil sa pagamin kong ito ay layuan mo ako, di mo na ako pakitunguhan ng tulad ng dati. Hindi tayo ganoong magkaibigan o ganoon kalapit sa isa’t-isa, pero sana wag mas lumayo ka pa, kapag nalaman mo ang nararamdaman ko. Oo, gustong-gusto ko nang sabihin sa iyo ang nararamdaman ko kasi sobrang ang hirap nang itago. Pero, hindi ibig sabihin nito ay gusto kong masuklian ang nararamdaman ko. Ngunit malay mo, kung palarin at may nararamdaman ka din sa akin edi masaya! Sino ba namang hindi sasaya kung ang taong minamahal nila ay minamahal din sila? Pero muli, HINDI AKO AASA. Alam ko din namang, katulad ng mga nagdaan kong hinahangaan at minamahal, hindi ako yung tipo niyo, hindi ako yung tipo mo. Hinding-hindi mo ako magugustuhan at tanggap ko na iyon simula nang tanggapin ko sa sarili kong gusto na kita.

            Ginawa ko lamang ang pagamin na ito at sulat na ito para patunayan sa sarili kong kaya ko ding maging matapang at masabi ang nararamdaman ko sa taong iniibig ko. Sana palagi kang masaya. Huwag ka sanang matakot at lumayo pagkatapos mong mabasa ang sulat na ito. Pinagaaralan ko na naman din ang kalimutan ka. Salamat!

 

Masaya,

Catherine