“Huwag kang magtataka”
Categories Poetry

“Huwag kang magtataka”

Huwag kang magtataka kung sa unang pagpansin mo sa kanya, hindi ngiti ang tinugon niya kundi irap at pag-iwas.

Huwag kang magtataka kung, hindi na tinatanggap ng kanyang sistema ang mga patutsada mong “Magandang umaga, ngunit mas maganda ka sa umaga” o hindi naman kaya ay “Kumain ka na?”

Huwag kang magtataka kung sa bawat paglapit mo ay paglayo anng tugon niya.

Huwag ka na rin magtaka kung ang mga rosas mo na ibibigay sa kaniya ay magaganda ngunit mamamatay rin hindi sa mga kamay niya ngunit sayo rin dahil tinanggihan niya. Gayundin ang mga tsokolate na tila ba nagiging mapait dahil sa pait ng mga ngiti niya.

Huwag mo sanang isipin na hindi na wala kang pag-asa, hindi iyon ang nais iparating ng mga pekeng ngiti, namamagang mata at lumalabang kaluluwa. Marahil ito ang naging resulta at tinuro sa kanya ng pagmamahal na naranasan niya sa nakaraan.

Marahil nakalimot lang siya dahil ipinadama sa kanya na hindi niya kailangan makadama dahil takot na siyang may darating na magpapadama lang ngunit hindi kayang panindigan ang pinadama.

Hayaan mong ikaw ang maging imahe niya ng pagmamahal na nilimot na niya dahil naging pare-pareho ang mukha.

Hayaan mong ikaw ang magbalik ng nawawalang paniniwala niya dahil hinanap niya ang iba.

Hayaan mong ikaw ang pumuno ng patlang, hindi lang ng kaniyang puso ngunit ng pagitan ng kaniyang mga daliri na hahawak sa kanya at hindi na mahuhulog nang mag-isa.

Hayaan mong maniwala siya sayo. Sa “Tayo” na kailanman ay hindi niya nadama.

-Ang tula ay espesyal na iniaalay para sa mga taong sinaktan ng tadhana at para sa isang matalik na kaibigan kong inhenyero.