Nakakapagod.
Categories Poetry

Nakakapagod.

Nakakapagod.
Nakakapagod mag habol.
Maghabol ng grades
Maghabol ng deadlines.
Maghabol ng tao.

Pero bakit takbo pa rin tayo nang takbo?
Takbo nang takbo sa mga problema?
Takbo nang takbo sa mga responsibilidad?
Sa mga pangakong dapat na ating tinutupad?
Sa mga taong pinangakuan ng walang hanggan?

Bakit napapagod tayong maghabol, ngunit hindi tayo napapagod tumakbo?

Nakakapagod.
Nakakapagod maghintay.
Maghintay na lumipas ang panahon upang maabot ang ating mga pangarap.
Maghintay sa kausap na parating huli sa oras.
Maghintay sa mga bagay na tila walang patutunguhan.
Maghintay sa mga taong nagsabi na hindi pa handa, ngunit mayroon na palang iba.

Pero bakit inaasam asam nating tayo’y hintayin?
Hintayin sa mga lakad at gala ng barkada?
Hintayin upang may makasama sa tuwing pag-uwi at pagkain?
Hintayin na mag tagumpay sa ating mga pangarap?
Hintayin na maging handa para sa kaniyang pag-ibig?

Bakit ayaw nating mag hintay pero gusto nating tayo’y hintayin?

Nakakapagod.
Nakakapagod umibig.
Umibig sa mga bagay na tila di mo naman talaga ginusto.
Umibig nang higit pa sa lalim ng dagat.
Umibig ng lubos lubos na para bang wala nang bukas na ihahatid ang buhay.
Umibig ng taong umiibig sa iba.

Pero bakit inaasam natin na tayo’y ibigin?
Ibigin nang lubos na parang walang kinabukasan?
Nang tila ba’y ikaw ang kaniyang mundo at nais pakasalan?
Ibigin nang tunay at tapat?
Ibigin nang walang kapalit?

Bakit napakadali nating mapagod umibig, ngunit inaasam nating tayo’y ibigin tungo sa walang hanggan?

Nakakapagod.
Nakakapagod mag patuloy.
Magpatuloy sa mundong puro away at gulo.
Magpatuloy sa pagsuyo ng mga tao.
Magpatuloy sa buhay na walang laman kundi kamalasan at pagsubok.
Magpatuloy mag mahal ng isang taong hindi ka pinapahalagahan.

Nakakapagod.

Ngunit masarap mag patuloy sa piling ng mga taong mahal mo’t minamahal ka.
Masarap mag patuloy na napapahalagahan ang lahat ng iyong ginagawa.
Masarap mag patuloy at mabuhay sa katotohanan.
Masarap mag patuloy sa kabila ng mga pagsubok na pagdadaanan dahil alam kong ang aking Diyos ay tapat at mapagmahal.