Hindi Para Sayo
Categories Poetry

Hindi Para Sayo

Masakit, alam ko. Nakakapagod.

Masakit mawalan, maiwan.

Nakakapagod maghintay sa isang bagay na walang kasiguraduhan.

Masakit marinig ang mga salitang,

“Ayoko ko na.”“Hindi ka na mahalaga.”

Nakakapagod maglakad ng hindi mo nakikita ang daan.

Nakakapagod umasa.

 

Masakit. Nakakapagod.

 

Alam ko. Pero mas alam Niya.

 

Noong mga panahong pinipilit mong maging masaya,

Noong pininipigilan mong tumulo ang luha sa iyong mga mata, nandoon Siya.

Noong nagtatanong ka kung hanggang kailan pa,

Noong akala mo binaliwala ka na Niya, nakikinig Siya.

 

Magtiwala ka. Alam Niya ang ginagawa Niya.

 

Baka hindi pa ngayon.

Hindi pa tamang panahon.

Baka may kailangan ka pang matutunan.

Kailangan mo pang makilala ang iyong sarili, Siya.

Minsan may kailangan mawala, pansamantala.

Kailangan mong marinig ang “huwag muna”.

Kailangan, upang ika’y mabuo, upang maibigay ang lahat kay Kristo.

Upang matutunan mo na Siya lang ang kailangan mo.

Kailangan maghintay upang ikaw ang maging handa.

Handa ng magmahal ng totoo, magmahal ng buo.

Handang magmahal katulad ng pagmamahal ni Kristo.

Baka hindi para sayo ngayon,

Pero para sayo balang araw.

 

Baka hindi para sayo.

Nagsilbi lang siyang instrumento.

Dumating lang siya para ika’y matuto.

Pero tapos na ang parte niya sa iyong kwento.

Baka kaya kahit anong pagsusumikap mo,

Kahit anong pilit, hindi mapasayo sayo,

Dahil iba ang nakalaan, sa iba ka nakalaan.

Alam kong masakit, pero kailangan mo nang bitawan.

Kailangan nang bumitaw upang makita ang sayo’y nakatadhana.

Masakit pero kailangan mo lang magtiwala.

Magtiwala na kasama mo Siya sa paghihintay,

Nariyan Siya sa bawat sakit, bawat luha.

Magtiwala sa may hawak ng iyong tadhana.

Hindi ka para sa gusto mo.

Ikaw ay para sa Kanya.

Magtiwala ka, mas maganda ang nilaan Niya para sayo.