AKALA KO AABOT TAYO NG PASKO
Categories Poetry

AKALA KO AABOT TAYO NG PASKO

ni: Vade Dalhag at Arjibidi

Sabi mo maglalakbay tayo hanggang dulo,
Maglalakbay tayo ng deretso hanggang sa tayo ay magtagpo.
Sabi mo pa magtatagpo sa dulo pag ang mga kamay ng orasan ay pinayagan nang maging tayo. Diba yun ang nais ko at ang nais mo?

Pero bakit ganon?
Sa paglipas ng panahon,
Magkaiba na tayo ng tinatahak na daan
Kung saan pag dating natin parehas sa dulo tayo’y hindi magkakakitaan.

Magkahiwalay na tayo ng pagtakbo,
Sa ating pag deretso tila’y magkaiba na tayo ng motibo.
Hindi na ba kayang solusyonan?
Ang mga pinanghahawakang pangako sa isa’t isa ay dapat na bang bitawan?

Wala pa tayo sa tunay na laban
Pero bakit magkakaroon na tayo nakaraan?
Wala na bang kayang gawin?
Baka naman pwede pa natin idaan sa panalangin?

Ang iyong mga salitang binitawan ay wala na bang bisa?
Pagpapatuloy pa rin ba o titigil na kasi parang ayaw mo na talaga. Nais ko sanang pagmasdan ang iyong mga mata
Upang makita ko kung napapasaya pa rin ba kita.

Gusto mo pa rin ba kaya ako manatili?
O tatalikod na lang ako upang magkaroon ka ng oras para sa iyong sarili. Sayang naman, akala ko aabot tayo ng pasko
Pero parang ngayon palang tapos na ata tayo.

Isa ka sa pinakamagandang regalong natanggap ko
Kaso ayun nga lang, hindi ka manlang pinaabot hanggang pasko.
Pero hindi lang naman hanggang pasko ang gusto ko
Nais pa rin kitang makasama hanggang dulo.

Nangako ka diba?
Na pagdating natin sa dulo tayo ay magkikita.
Oo, paulit ulit ako.
Gusto ko kasing ipaalala sayo ang mga salitang binitawan mo.

Baka sakaling pag nabasa mo to ay maalala mo,
Maalala mong ako nga pala yung taong binitawan mo ng napakaraming pangako Na sana lahat ng iyon ay wag mapako
Dahil umaasa pa rin ako na sa dulo tayo ay magtatagpo.

Nagbago bigla ang ikot ng ating orasan,
Sadyang bumilis ang oras ng pagsasamahan.
Akala ko kase aabot tayo ng kapaskuhan,
Masyado kase akong umasa na wala na tayong katapusan.

Akala ko aabot tayo ng pasko,
Nasan na yung pangako mo na hanggang dulo?
Tila ba napalitan ng salitang hanggang dito!
Hanggang dito nalang ang ating pagtatagpo.

Akala ko talaga aabot tayo ng pasko,
Akala ko sabay tayo magdiriwang ng kapanganakan ni Kristo.
Ngunit habang tayo’y naglalakbay, pag lingon ko nakita kita, Nakatigil at pumoporma nang tumahak ng daan na iba.

Masakit para sa akin ang iyong paglisan,
Iniwanan ng walang sapat na dahilan.
Ngunit salamat dahil ginising mo ko sa katotohanan,
Ang katotohanan na hindi talaga tayo ang nakalaan.

Hayaan mo! Iiyak ako hindi dahil wala ka na,
Kundi dahil meron nanaman akong natutunan sa ating dalawa.
Iiyak ako hindi dahil sayo,
Iiyak ako kasi sa wakas alam ko na ang halaga ko

Hindi man tayo umabot ng pasko,
Nagagalak pa rin akong naging parte ka ng buhay ko.
Hindi ako malulungkot ngayong araw ng pasko
Dahil alam kong may napakagandang plano sakin si Kristo.

Salamat sa pagiging parte ng buhay ko.
May kalunglutan? OO! Pero magandang regalo para sa akin to.
Regalo na aral dulot ng paglisan mo,
Dahil mas masakit pala kung patatagalin pa natin to.

Inakala ko man na aabot tayo ng pasko,
Alam ko balang araw magiging malinaw din sakin ang sitwasyon na to. Panghahawakan ko ang pangako ni Kristo,
Dahil ang tunay na pangako ay pinako sa Krus ng Kalbaryo.

Hindi man kita kasama ngayong pasko,
Pangako magiging masaya ako!
Hindi dahil ayos lang sakin ang pag alis mo,
Pero dahil malinaw sakin na kay Kristo kumpleto na ang pasko ko.