Pagpipilian.
Noong una ay hindi ko iyon nadama.
Akala ko, ako lang.
Akala ko kasi.. ikaw na talaga.
Ikaw na ang ibinigay N’ya.
Na tayo ang nakatadhana.
Umasa ako kahit na papaano, na baka ito na ‘yung tamang panahon para sa akin.. para sumaya.
Kahit na hindi naman talaga kita hinahanap at ikaw mismo ang nakatagpo sa akin.
Alam mo bang sumaya ako nang husto noong dumating ka?
Kahit na ang totoo pa nga n’yan ay hindi ko naman iyon hiniling at inasam.
Hindi ko pinangarap kahit na tulog o gising man.
Pero parang isang panaginip ang lahat.
Kay bilis mong dumating at gano’n din ang iyong pag-alis.
Ang bilis mo akong pinasaya pero bakit kay tagal naman ng iniwan mong sakit?
Nasaan ka na ba ngayon?
Kumusta ka na kaya?
Maayos kaya ang buhay mo?
At..
Masaya ka kaya?
Sana.
Sana ay mabuti ang lahat-lahat sa’yo.
Kahit na wala kang kamalay-malay sa sakit na nadarama ko ay gusto ko pa ring mapabuti ka, na sana ay masaya ka.
Hindi ko rin alam kung bakit.
Para akong tanga, alam ko.
Pero masisisi mo ba ako?
Bakit ka pa kasi nagpakita sa akin?
Bakit kasi nakipaglapit ka pa sa akin?
Bakit.. hinayaan mong mahulog ako sa’yo nang husto gayong wala ka naman palang balak na saluhin ako?
Pero sa kabila ng lahat..
Ng sakit.
Ng mga gabing magigising ako sa kalaliman nito at tigmak ng luha ang aking mga mata.
Ng mga araw at oras na kinukwestyon ko ang halaga ng sarili ko..
Alam mo bang gusto pa rin kitang makita?
Gusto pa rin kitang makasama.
Gusto pa rin kitang makausap.
At..
Higit sa lahat ay gustong-gusto pa rin kita?
Alam kong mali pero heto pa rin ako, miss na miss ka na.
H’wag kang magalala.
Magiging maayos din ako.
Darating ang panahon na makakaahon ako sa pagkahumaling ko sa’yo.
Hindi na ako magiging tanga.
Pagtatawanan ko na lamang ang pagiging hibang ko.
Hindi na ako maiiyak kapag namimiss kita.
Mahirap.
Pero kakayanin ko.
Kakayanin kong isipin na ang nangyari ay isa na lamang masamang alaala o masamang panaginip.
Pagiigihan ko ang paglimot sa nadarama kong sakit.
Paglimot sa nakaraan.
Paglimot sa aking nararamdaman.
Paglimot sa iyo mismo.
H’wag kang magalala.
Darating din ang panahong makakaya ko ng ngumiti nang walang pait.
Hindi nagkukunwari at walang sakit.
Pero bago ang lahat ng iyon..
Gusto ko sanang itanong sa iyo..
Kasama ba talaga ako sa naging option mo?
Pagpipilian mo?
O baka naman hindi at sadyang pinaasa mo lang ako?