Iniisip Kita
Categories Poetry

Iniisip Kita

Iniisip kita.

Iniisip kita pagkamulat ng mata ko sa umaga.

Napapatanong kung kamusta na kaya sya?

Masaya ka kaya sa bago mong kasama?

Nahanap mo kaya sa kanya ang hindi mo saken makita?

Sana ay nasa mabuti ka.

 

Iniisip kita.

Iniisip kita habang nasa byahe ako patungo sa trabaho.

Mabagal ang jeep pero mabilis maglakbay ang utak ko papunta sa mga panahong bago pa lang tayo.

Pero saglit.

Bago ako tuluyang malunod sa mga ala-ala nung dating ikaw at ako. Nasaan na kaya ang sukli sa isang daang binayad ko?

Nakatingin lang ako kay manong,

Naghihintay..

Umaasang maalala nyang labis ang binayad ko. Kagaya nang kung paanong nakatingin lang ako sayo mula sa malayo. Naghihintay ng sagot sa kung bakit kahit nagbigay naman ako ng sobra ay parang hindi pa rin naging sapat”

Teka lang ulit!

Bakit parang napakasikip? Nakakaipit. Nakakasakit.

Para kang itong si manong,

Pinagpipilitang kasya pa kahit ang totoo’y wala nang espasyo para sa bagong pasahero. Wala na dapat espasyo pero sige mag-aadjust kami ng pwesto.

Iniisip kita. Iniisip kita habang pinapanuod ko ang bawat pagsakay at pagbaba ng mga pasahero. Lahat ay pansamatala lang talaga.

Malapit na din pala akong bumaba.

Mabagal ang byahe pero nakarating din sa destinasyon. Kagaya nang kung gaano kabagal ang proseso ng paglimot pero pasasaan ba’t makakarating din duon.

Iniisip kita.

Manong para po sa tabi”

Salamat sa isang oras kung pagmumuni-muni.

Iniisip pa din kita.

Katulad ka lang din ng mga estrangherong nakasabay ko sa byahe kanina. Malinaw na sadyang nagkasabay lang, nagkataon lang. Pero sa huli, magkaiba pa din ang bababaan, magkaiba ang destinasyon.

Iniisip kita.

Salamat sa pansamantalang saya.

Sa susunod kong byahe, iisipin ulit kaya kita? Hindi ko alam.

Pero teka lang.

Yung sukli ko?