May mga taong alam nilang mahal nila ang isang tao kapag napapasaya sila nito, nagbibigay inspirasyon o sa parang naipaparamdam nito sa kanila ang buhay na hanap nila. Pero para sakin, alam kong mahal kita dahil sa sakit na nadarama.
Mahal kita dahil masakit makita kang may kasamang iba na habang nakatitig ka sa kanya nakikita ko sayong mga mata yung sayang hindi mo nakita nung tayo pa. Mahal kita dahil tanging pagsulat lamang ang alam kong paraan para maibsan ang sakit na naiwan dahil ‘di ka na pwede pang mahagkan. Mahal kita, dahil kahit anong sakit ang maramdaman hindi ko alam bat hindi ko matigilan na mahalin ka.
Minsan akong naniwala na ang pagmamahal ay nararamdaman sa mga umagang kayakap ka, sa mga hawak at haplos mong daig ko pa ang nananaginip sa umaga at sa mga halik mo bago matapos ang araw nating dalawa. Pero ngayon, napagtanto kong ang tunay na pagmamahal ay nararamdaman sa gabi gabing pag-iyak, nakaw na tingin, at walang katapusang “pano kung ipinaglaban natin?”.
Mahal, alam kong mahal kita dahil nararamdaman ko padin yung sakit nung nawala ka.