An open letter to a special friend who doesn’t know that I loved him,

Sorry pero miss na kita. Kahapon lang huminto na naman ang mundo ko nung nakita kita sa simbahan kaso kasama mo pala siya. Kaya hindi na ako tumingin sa mga mata mo dahil takot ako e. Takot akong baka pagkinausap kita mararamdaman ko na naman ang kirot sa puso ko. Napakahirap pa naman huminga pag alam mong durog na durog ka na. Alam kong mahal na mahal mo siya at masaya akong nakikita kang masaya sa piling niya.

Sorry pero hindi ko inakalang unti- unting nahuhulog ang loob ko sayo. Nakakatawa nga e akalain mong nahulog pala ako sayo nung dinamayan kita sa panahong ‘cool off’pa kayo. Ang gaga ko talaga. Akalain mo matibay pala yung puso ko nung sinabi ko sayong ‘mag effort ka nga at ligawan mo ulit ‘yung girlfriend mo’, taliwas nun mahapdi na ang puso ko. Alam kong magkaibigan lang ang turingan nating dalawa pero lintik na pusong ito tinamaan talaga sayo. Nakakagago lang pero ang galing kong magtago.

Sorry pero hindi ko kayang sabihin sayo dahil alam kong sa kanya ka pa rin babalik. Sa simula palang ng istorya talo na ako. Umiwas naman ako e, I always remind myself na hindi ka para sa ‘kin. Na pagmamay-ari ka ng iba. Pero ako itong napakagaga at talagang nagpadala sa agos ng nararamdaman sayo. Siguro tama ‘yung sinabi mo na matigas ang ulo ko.

Sorry pero hindi ko kayang pantayan ang isang katulad niya sa buhay mo. Nararamdaman ko na nasasaktan ka nung wala siya, alam kong kagaya ko ngayon namimiss mo rin siya, alam kong iniisip mo siya parati sa hating gabi na punong puno ng pighati at alam kong sa kanya ka tunay na masaya. Alam kong natutuwa ka sa mga kagaguhan ko , sa mga banat ko, sa mga patawa ko pero nakikita ko sa mga mata mo hindi ako ang hinahanap mo. Hindi ako ang tamang tao na nagpapasaya sayo.

Sorry talaga ha pero naiiyak ako sa sarili ko. Marami akong tanong sayo kaso hindi ko kayang kausapin ka, natatakot ako. Alam mo ba kung anong mga tanong ang bumabagabag sa akin? Una, kahit konti ba naging masaya ka sa piling ko ‘yong totoo? Pangalawa, bakit hindi mo kayang ipagtapat sa akin na nagkabalikan pala kayo ngayon? Damn, oo nga bakit pa diba e kaibigan mo lang ako. Hays, ang gaga ko talaga. Tatlo, miss mo na rin ba ako?

Nagmamahal,
Your special friend na gaga.