Current Article:

Ang Kalungkutan ay Suwail na Bisita

Ang Kalungkutan ay Suwail na Bisita
Categories Depression

Ang Kalungkutan ay Suwail na Bisita

Madalas siyang bumibisita sa ‘yo,
sa tuwing kakatok siya sa pintuan
ay agad-agad mo itong bubuksan,
hindi ka mag-aalinlangan—
malugod mo siyang tatanggapin
at pauupuin pa sa malambot na sofa
habang dala-dala niya ang mga pasalubong
na kakaladkad sa ‘yo pababa,
at gustong-gusto mo ‘yon.

Kung may masayang umaangat,
may masaya ring lumulubog sa putikan,
silang mga nasa sahig ng tagumpay
na hindi magawang humakbang
sa hagdan upang maabot ang rurok.

Nilikha lamang ang kaligayahan
para sa mga ayaw sa kalungkutan
Nilikha lamang ang ngiti
para sa mga takot sa pighati.
Nilikha lamang ang tagumpay
para sa mga naghahangad ng palakpak.

Kaya kung may kakatok dapat alam mo
kung sino ang iyong bubuksan
at piliin mo ‘yong kalungkutan
dahil siya ‘yung laging nandiyan
kahit naabot mo na ang tagumpay.

Huwag mong piliin ang kasiyahan
dahil sanay tayo sa kasunod nito
at kahit kalungkutan pa ‘yung mauna,
asahan mong kalungkutan pa rin
ang kasunod nito,
mas malala nga lang.

Buksan mo na siya,
dahil kanina pa ‘yan katok nang katok.

Mga salita ni Kenneth B. Ofima
Hango kay Juan Miguel Severo
Likhang-sining: Jose Daniel