Current Article:

Ang Tatlong Mukha Ng SECOND CHANCE

Ang Tatlong Mukha Ng SECOND CHANCE
Categories Relationships

Ang Tatlong Mukha Ng SECOND CHANCE

Ang NASAKTAN
Siya yung taong nagbigay at muling sumugal sa SECOND CHANCE. Iyong tao na matapos makaipon ng sapat na puhunan ay muli na namang sumugal sa parehong tao, kahit minsan na siyang natalo sa taong ito.
Pero tama bang muli siyang sumugal? Depende. Depende kung matapang siya. Hindi matapang sa paraang kaya na naman niyang muling sumuong sa gyera at pakikipaglaban sakaling lokohin na naman siya. Matapang hindi sa paraan na kaya niyang masaktan muli dahil sa taong mahal niya. Kundi matapang sa paraang kaya niyang magpatawad at lumimot. Bakit kailangan mong lumimot kapag nagbigay ng second chance? Dahil sa oras na magbigay ka ng second chance, dapat handa kang magsimula ng bago. Isarado ang mga pahina ng lumang aklat ng kwento ng buhay niyo at magsimulang magsulat ulit sa mga bagong pahina ng bagong libro. Hindi ka dapat magbigay ng second chance kung ang kaya mo lang ay ang ilipat ang lumang pahina, at magsulat ng bagong kabanata ng kwento niyo. Minsan ang masama pa, akala mo nailipat mo na ang mga pahina, pero ang hindi mo alam, ay nananatili ka pa rin sa pahina kung saan ay sinaktan ka niya. Ngayon, paano mo masasabing nagbigay ka ng second chance kung paulit-ulit mong ipapaalala na nagkamali siya. Na sinaktan ka niya.
Takot. Oo, normal ang matakot lalo na kung sobra kang nasaktan sa nagawa niya sa’yo. Pero kung takot ka at may takot pa sa puso mo, maling magbigay ng second chance. dahil maniwala ka, sa bawat pagkakataon na mahuli siya ng reply, mawalan ng update, malow bat, ma-late ng uwi, palagi mong maiisip na niloloko ka niya. Muli mong mararamdaman ang sakit ng kahapon at muling mananariwa ang sugat na akala mo ay naghilom na. Matatakot ka ng magtiwala, maniwala at mahalin siya tulad ng dati.
Bumabalik na naman ba siya? Ang tanong ko sa’yo, MATAPANG KA BA?
Ang NAGKAMALI
Ikaw naman yung bobo na kailangan munang makasakit bago pa ma-realize na siya na pala ang gusto mong makasama habang buhay. Ikaw yung tatanga-tanga na mas piniling makita na lulumuluha muna at nadudurog bago mo siya yakapin at sabihing, “Sorry. Hindi ko sinasadya”. Sana maisip niyo na hindi nakakabusog ang sorry. Promise!
Kailangan niyo rin ba ng tapang sa paghingi ng second chance? OO. Kailangan mo ng tapang na tanggapin lahat ng masasakit na salita na bibitawan niya. Kasi kasalanan mo. Nagkamali ka. Kaya kailangan mong lunukin ang bawat masasakit na salitang sasabihin niya, kahit madalas nabubulunan ka na. Dapat maging handa kang masabon ng walang banlawan, Handang kumain ng ampalaya at papaitan araw-araw.
Pasensya. Isang bagay din na dapat marami ka. Kailangan mo siyang pagpasensyahan sa bawat maliliit na bagay na pwede ka niyang paghinalaan. Iyong simpleng paghawak mo sa celphone mo habang magkasama kayo. Iyong pagpapaalam mo na “BABE LALABAS LANG KAMI NG TROPA”. Handa ka bang maging preso ng pagkakamaling nagawa mo? Dahil asahan mo ng ikukulong ka niya sa kasalanang nagawa mo.
Paninindigan. Kailangan mong manindigan na kaya mong muling pagtagumapayang makuha ang puso niya na minsan mong sinaktan. Kailangan mong panindigan na nagbago ka na at kaya mong mahalin siya ng siya lang.
Ang PAGKAKAMALI
Siya yung napadaan sa gitna nilang dalawa kaya napabaling sa kanya ang tingin nung NAGKAMALI. May dalawang klase ng PAGKAKAMALI; iyong nadamay lang, at yung fully-informed. Nadamay ka lang kapag hindi mo naman alam na may mahal pa siyang iba at sa iyo ay meron ng nauna. Fully-informed ka naman kung alam mo na may nauna na sa iyo pero pinusthan mo pa rin, kasi sabi mo nga, MAHAL MO. Pero kahit ano pa ang mukha na suot sa dalawa, mas malaki ang tyansa na matatalo ka
Matatalo ang nadamay kasi habang buhay niyang isusuot ang maskara ng mukha ng pangalawa. Iyong nakasakit. Iyong nang-agaw. Kahit hindi mo naman sinasadya. Kahit pa hindi mo alam. Kasi unang-una walang maniniwala na biktima ka lang. Kahit pa nasaktan ka rin lang naman tulad ng nauna, minsan nga mas higit pa. Lalo na kung kailangan mong bitawan siya, kasi hindi ikaw ang pinili niya. Mas malaki ang matatalo sa iyo kumpara sa fully-informed. Kasi lalakihan mo ang pusta, kasi akal mo ikaw iyong una.
Fully-informed. Ikaw iyong kontrolado na hanggang ganito lang ang pusta ko. Kasi alam mo na may isa pa, at dehado ka kasi mas nauna siya. Ikaw iyong tanggap na baka pinaglalaruan ka lang, sideline, pangalawa. Hindi ka na masyado masasaktan kahit pa sabihing suot mo ang maskara ng pangalawa, kasi pumayag ka. Alam mo. Paano siya matatalo? Kasi kung siya man ang piliin ng NAGKAMALI, walang kasiguruhan na hindi uulitin ng nagkamali ang muling paghahanap ng pagkakamali. Isa pa, kahit naman alam niyang pangalawa lang siya, ginawa pa rin niyang pumusta sa isang sugal na pwedeng matalo siya.
Prev Clearly vague
Next Iba’t Ibang Mukha ng Pag-ibig