AYOKO NA

Ilang ulit ko nang narinig mula sa aking mga labi ang dalawang salita, AYOKO NA!

Ito ang mga panahon na hindi ko alam kung lalakad na nga ba pasulong

O lilingon pa duon sa nag-iisang dahilan kung bakit ang mga mata ay tila ba nangangayaw na dahil sa dami ng luha na dumaan nang dahil sa kaniya

AYOKO NA!

Pagod na ang puso kong umintindi

Maging ang isip ay hindi na malirip kung bakit hanggang ngayon

Hanggang ngayon, ikaw pa rin ay mahalaga

AYOKO NA!

Ayoko nang gumising sa umaga na iisipin ko pa kung nakita mo na ang aking istorya

Ayoko nang paulit-ulit na tignan ang profile mo kahit inunfollow na kita

Ayoko nang lokohin ang sarili ko na may pag-asa pa

Dahil ang totoo, alam ko ang katotohanan

Ang katotohanan na oo, minsan nga ay minahal mo ako

Ngunit ang minsan na yun ay tapos na

Ang minsan na naging dahilan ng matagal kong kasiyahan ay siya namang dahilan ngayon ng iyong kalungkutan

Marahil ay naisip mo na sana

Sana hindi na lang ako ang una

Sana, sana ay siya na lang at hindi ako ang unang nagbigay sa’yo ng sigla at pag-asa

Sana, siya na lang ang naging unang dahilan ng pagluha mo at pagtawa

Patawarin mo ako kung kinailangan mo pang tanggapin na ako nga ang nauna at hindi sya

Patawarin mo ako kung kailangan mo pang kalimutan na minsan pala akong naging mahalaga

Patawarin mo ako at patatawarin ko na rin ang sarili ko.

Patatawarin ko na ang sarili ko

Sa patuloy na pagyakap sa mga salitang binitawan mo

Patatawarin ko na ang sarili ko

Sa paniniwalang siguro ay mahal mo pa rin ako

Patawad, mahal ko

Patawarin mo ako, ngunit simula sa araw na ito

Hindi na ikaw ang mamahalin ko

Siguro ay panahon na

Panahon na para bitawan kita upang mahawakan ko naman ang matagal ko nang dapat hinahawakan

Ngunit walang silid paglagyan

Dahil puno na ang puso ko

Punong puno ng pagmamahal para sa’yo

Patawarin mo ako

Dahil simula ngayon

Palalayain ko na ang sarili ko

At sa wakas ay huling beses na sasabihin ko ang dalawang salitang pinagtataguan ko

Dahil sa pagkakataong ito, ang lahat ng sinabi ko ay totohanan na.

Huling salita?

AYOKO NA!