Tanda mo ba kung sino ka at ako sa una?
Tanda mo ba paanong takot ka sa madla?
Tanda mo ba paanong iwas ka sumubok at pumalya?
Tanda mo ba paanong takot ka mag-isa?
Buo ako ng dumating ka.
Malaya. Masaya. Walang takot kahit walang kasamang iba.
Buo ako, pero, nakita kita.
Isang basag na takot sa mundo at unti-unti’y minahal ka.
Tinuruan kitang lumipad ng walang pag-aalinlangan.
Pinilit kitang sumubok kahit pa ika’y magkamali dahil doon mo makikita ang totoong laban.
Ibinahagi ko sa iyo lahat ng natutunan ko sa mundo.
Tinulungan kitang harapin ang bawat laban mo.
Sa mga pangarap mo ay nakasuporta ako.
Nagkakamali man sa daan ay hindi ako sumusuko.
Tiwalang paulit-ulit na nasira, magkahawak kamay nating binuo.
Pinakita ko sa iyo ang ganda ng buhay gaano man ito kagulo.
Buo ako ng dumating ka.
Kakatapal ko sa mga butas mo sa aki’y wala ng natira.
Akala ko tutulungan mo din ako gaya ng mga pangako na sinasambit mo sa tuwina.
Ngunit, nakita na lamang kita sa aki’y naglalakad papalayo at sa iba’y sumama.
Binuo kita pero iniwan mo kong basag na.
Ibang-iba ka na kaysa sa una nating pagkikita.
Ang mga ngiti mo ay siya ngayong dahilan ng pagluha ng aking mata.
Sa dulo pala ng kwento nating dalawa, binuo kita para sa kanya.