Hi, may gusto sana akong sabihin,
Subalit saglit, ‘di ko nais na ika’y mabitin,
maaari ko bang banggitin, ito’y mula sa akin
kung paano nagsimula itong hangarin?
Una, pinagdikit ko ang dalawa kong mga palad,
At ipinikit ang dalawa kong mga mata,
Sabay sambit na sana’y maging mapalad,
At makamit ang tinitingala ko’ng tala.
Pangalawa, matapos kong humiling kay bathala,
Nakakabigla ang paglitaw mo mula sa bintana,
Ngunit hindi ko sukat ang layo natin sa isa’t isa,
Kasabay ng pag-awit ng mga bata sa kalsada,
Nang “langit-lupa” ay paalala, na langit ka at lupang kilo-kilometrong pulgada ang ating distansya.
Pangatlo, gulong-gulo, litong-lito,
minsan hindi natin matukoy ano ba ang tamang simbolo,
O maling akala lang ako, nagpauto, sa sinasabi ng puso na hindi lang dugo ang dahilan ng pagtibok nito,
Kung hindi, sa tuwing masisilayan ko ang mga matatamis na ngiti mo.
Ngunit tama na ang pagiging emo,
Susundin ko nalang ang tinitibok ng puso.
Teka, may pang apat pa, wag ka munang mawawala, ito na,
Ang pinakahihintay kong tyansa,
Na masabi ang siyam na letra,
Sobrang nahihiya pa, kita ang kaba, lalamunan ko’y tuyo na,
Pero sinta, nais ko lang malaman mo na,
Gusto kita, simula pa nung unang magsalubong ang ating paningin,
Hindi nanlabo ang pagtingin, kahit malabo ang paningin, sayo lang ako titingin,
Marahil ang puso ko’y paos narin,
Dahil ikaw lang ang sinigaw ng damdamin.
At ikaw ang sagot sa aking panalangin.
Higit pa sa kahit na anong salita,
Higit pa sa salitang mahal kita,
Ay ang mga katagang
Sa bawat segundo, oras, araw, taon o dekada,
Hindi magsasawang manalangin sa lumikha ng tadhana,
Na sana, ang plano niya’y tayong dalawa ang magkasama,
At ikaw at ako ang magpapaalala,
Na walang makakahigit sa pag-ibig na sinagot ni amang bathala.
Dalangin kita.