Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Dear Ex Boyfriend ,

Kumusta ka na kaya? Naaalala mo pa kaya ako o naiisip man lang? Sana okay ka rin tulad ko ngayon. Kasi ako, I’m doing great.

Sana masaya ka o masaya kayo. Nakita ko kasi kayo. Nakaangkas s’ya sa motor mo’t nakayakap sa ‘yo ng mahigpit. Naalala ko tuloy noon, ganyan din ako sa ‘yo. Mahigpit na nakayakap sa ‘yo.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Hindi ko alam kung naka-move on na ako o hindi pa. Naiisip pa rin kasi kita. Hindi man oras-oras, sumasagi ka pa rin sa isip ko. Tuwang-tuwa ako noon nang apat na oras kitang hindi naalala dahil busy ako sa trabaho. Kalaunan umabot ng isang araw, dalawang araw, isang linggo. Natutuwa na lang ako na unti-unti na kitang nakakalimutan at kung pumasok ka man sa isip ko, hindi na masakit.

Wala na akong sama ng loob sa ‘yo. Hindi mo naman kasalanan na ang purpose mo lang sa buhay ko ay turuan akong maging mas maging better na tao. Nagkataon lang na nasaktan ako. Pinagpilitan ko kasing ikaw na. Itinatak ko kasi sa isip ko noon na ayoko na maghanap ng iba, gusto ko ikaw na lang. Kaso maraming nangyari.

Muntik kitang sukuan pero pinilit ko pa ring kumapit kaso ikaw pala ‘tong susuko at hindi na ‘ko maipaglalaban. Iniwan mo ‘ko sa ere na wala man lang malinaw na closure. Basta nalaman ko na lang na break na tayo kasi proud mong naipamalita sa lahat na wala na tayo. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko yun. Ang epic kasi. Natatawa na lang ako kapag naikukwento ko sa iba.

Ang kulet lang ng buhay noh? Hindi na nga tayo tinadhana, pinagtagpo pa tayo.

Nagpapasalamat ako sa mga oras na nakasama kita noon. Alam kong minahal mo rin ako ng totoo. Naramdaman ko naman. Napapangiti na lang ako kapag naaalala ko ang mga biruan natin at kulitan. Parang magtropa nga lang daw tayo sabi ng iba dahil sa kulit natin. Masaya ako sa ‘yo noong mga panahong ikaw ang nalalapitan ko kapag may problema ako, nakukwentuhan ko ng mga plano ko sa buhay, napaglalabasan ko ng inis ko sa ibang taong tinatrato ako ng masama at kakampi ko sa lahat ng oras. Hindi nga lang natin napaghandaan na sa mga darating palang mga araw ay magkakahiwalay tayo ng landas.

Hindi mo na nga daw mapipilit ang puso kapag ayaw na talaga. Kaya nga hindi na kita pinigilan nang pinili mong bumitaw sa mga kamay ko. Ang hirap naman kasi na ako na lang ang pilit na kumakapit kung nararamdaman ko naman na gustong-gusto mo nang kumawala. Ang sakit non kung alam mo lang. Pero ramdam kong hindi mo yun alam at ako lang ‘tong nasaktan.

Salamat at kahit sandali naramdaman ko ang pagmamahal mo. Masarap ka magmahal, masarap kang kasa-kasama at kakwentuhan pero kapag hindi nga daw talaga kayo ang para sa isa’t isa kahit anong ganda ng pagsasama n’yo, gagawa ang tadhana ng paraan para magkalayo kayo.

At ito nga ang nangyari sa ‘tin. Sa isang iglap biglang bumaliktad ang mundo ko at iniwan mo ‘ko.

Ano man ang nangyari noon, palayain na natin ang isa’t isa. Palayain sa sakit at alaala.

Hindi na importante kung ga’no lang tayo nagtagal. Hindi na importante kung sino ang unang bumitaw. Hindi na importante kung pa’no natapos. Hindi na mahalaga kung mabilis mo ‘kong napalitan. Ang mahalaga lang sa ‘kin ngayon, naging masaya ako sa ‘yo noon. Yung saya sa tuwing hahawakan mo ang aking mga kamay, yung pakiramdam na safe ako sa tuwing yakap mo ako. Ang importante sa ‘kin ngayon, minahal mo ‘ko noon. Masaya ako na naging parte ako ng buhay mo at nagpapasalamat akong naging parte ka ng buhay ko.

Hanggang sa muling pagkikita at sana kapag dumating ang araw na ‘yon kaya na kita ulit ngitian na wala na akong nararamdaman.

Your on-process-moving-on-ex-girlfriend

Send me the best BW Tampal!

* indicates required