“Lift your head, baby, don’t be scared,
Of the things that could go wrong along the way”
2 linggo na lang at mamamaalam na ako sa highschool life ko, nakakakaba kapag iniisip ko kung ano ang mangyayari sakin pag-apak ko ng kolehiyo. Unang beses kong malalayo sa pamilya ko dahil kailangan ko magdorm at mahihirapan ako kung mag uuwian dahil malayo din ang papasukan kong univeristy sa aming bahay. Siguro naman lahat ng tao takot lumabas sa comfort zone nila diba? Normal lang naman matakot at mangamba kapag unang beses mong gagawin ang isang bagay, sino bang hindi kinabahan sa first day of school? first reporting sa klase? first thesis defense? first receiving of diploma? tsaka first day of work? pero sa hindi ko malaman na dahilan nag susulat ako ngayon para pagaanin ang loob ko at sana’y sa iyo rin dahil sa kaba at sobrang pag-iisip na nararamadaman ko ngayon.
Sa totoo lang hindi ako malungkot na aalis na ako sa classroom namin o dahil iiwan ko na ang mga kaklse ko dahil kahit naman sila ang tanungin mo walang unity ang section namin, lahat gusto umangat, lahat gusto sila ang sikat. Ang nararamadaman ko ngayon na ilang linggo ko na ding pilit tinataboy sa isip ko ay ang sobrang takot sa bagong yugto na haharapin ko 5 buwan mula ngayon, ang buhay ko sa kolehiyo. Kapag na-iisip ko na kailangan ko na magseryoso at magsipag sa buhay parang gusto ko na lang umiyak dahil alam ko ang consequence kapag hindi ko to ginawa sa huling 4 na taon ng aking buhay bilang mag-aaral. Nalulungkot ako kapag narerealize ko na parang kahapon lang tamang habulan lang kami ng mga kaklase ko sa elementarya pero ngayon ang hinahabol na namin ay ang mga pangarap namin sa buhay.
“Kasaya natin nung elem hano?”
“Abe syempre hindi pa natin iniisip college non”
Usapan ng dalawa kong dating kaklase sa jeep, kasaya nga maging bata, walang iniisip o iniintindi, ang tanging pangarap mo lang ay maging superhero at natatakot ka lang sa mga multo na gawa lang ng isipan mo pero ang panahon ay nag-iiba. Kailangan mo na isipin ng mabuti ang nagiging takbo ng buhay mo, ikaw ang kapitan at piloto nyan ikaw ang driver na may hawak ng manibela ikaw ang magdedesisyon kung saan ka pupunta at kung ano ang kahahantungan mo. Sa ayaw mo man o sa hindi kailangan mo na din intindihin ang sarili mo dahil hindi ka na kargo ng magulang mo, disi-otso ka na kahit sa batas legal ka na. At aminin mo man o ipilit na itanggi alam kong natatakot ka din, maaring sa magiging buhay mo sa kolehiyo, sa pag-aaral mo, estado ng pamilya mo o kung maabot mo ba ang pangarap mo, at lahat ng yan ay nararamdaman ko.
Sa totoo lang ang pangarap ko talaga ay mag sundalo pero kung makikita mo siguro ako sa personal baka pagtawanan mo lang ako katulad ng lahat ng taong sinabihan ko nito. Nag-iisa akong anak kaya matic ayaw pumayag ng pamilya ko baka daw marape lang ako don o ano, second choice ko naman ay ang masscom kaya lang kung yun daw ang kukunin ko mahihirapan ako maghanap ng trabaho at MASS COMportable daw sa bahay ang mangyayari sakin. Kaya eto ako no choice gagraduate sa ilalim ng ABM strand at nag take na ng mga entrance exam sa ilalim ng course na accounting kahit na kagalit kami ng numbers. Eto ang unang takot ko, ayokong magkamali. Natatakot ako na hindi ko kayanin ang course na pinili ko hindi dahil sa hirap akong intindihin ngunit dahil sa ayoko. Tinalakay ng aming guro sa personal development na kung may pangarap ka abutin mo sapagkat ang pangarap mo ay para sayo at hindi para sa ibang tao, tama sya. Ayokong gugulin ang buhay ko kakatrabaho sa isang propesyon na hindi ko gusto, hindi ko nakikita ang sarili ko sa opisina habang nag kakalkula ng pera ng iba, ayoko ng course na kukunin ko at natatakot ako na makulong sa isang buhay na labag sa gusto ng puso ko.
Hindi ko alam kung ano ang aabutan ko pagtungtong ko sa university na papasukan ko, ang mga guro, mga kaklase, ang pasilidad o ang kasama ko sa dorm. Natatakot ako na baka malayo ito sa inaasahan ko at baka maging madahas sakin ang lugar na paglalagian ko. Baka mamaya mababa magbigay ng grades ang prof o kaya hindi ako magustuhan ng mga kaklase ko o baka naman sira ang upuan na mapupunta sakin at paano na lang kung may third eye yung kasama ko sa dorm? Ang sakit sa ulo maging ako.
Ang dami kong gusto pero hindi ako gumagawa ng paraan para makuha ang mga ito. Ibang level ng katamaran ang meron ako, nasa harap ko na ang isang bagay iuutos ko pa sa iba o kaya ipagsasabukas na, at alam ko na hindi ito pwede sa susunod na taon ng pag-aaral ko. Iniisip ko paano kung sakali magka singko ako paano ako uuwi sa bahay namin? Lalakad ba ako ng nakaluhod o panong gulong ang gagawin ko para mapatawad ako. Kung tutuusin hindi lang siguro tayo takot sa magiging buhay natin sa eskwelahan na papasukan natin kundi sa pamilya din natin. Sino bang hindi takot sa nanay nya pag naka all-caps na sa text? o sa tatay na nakaka limang missed call na? pero wala na sigurong mas nakakatakot na mag-uwi ng palyadong grado sa pamilya mo habang hirap na hirap sila sa pagpapa aral sayo, para sa akin mas nakakatakot pag umiyak na ang nanay mo dahil dito ramdam ko na natalo sya sakin at hindi sapat ang dahas o salita para ipakita ang sakit na nararamdaman nya.
Ang dami kong sinabi at tanong pero walang sagot at solusyon. Hindi ko alam kung gumaan ba ang loob ko o lalo lang akong kinabahan. Duwag na kung duwag pero wala naman masamang mangamba. Pero tangina wala pa yung resulta nung entrance exam, papasa kaya ako??? Eto ang pinaka nakakatakot na tanong na masasagot na ilang araw na lang mula ngayon.
“You’ll get by with a smile
You can’t win at everything but you can try.”