Di na dapat
Categories Depression

Di na dapat

Masama ba ako?

Masama ba ako kasi nagawa ko ang di dapat?

Tanga ba ako?

Tanga ba ako kasi paulit-ulit kong tinatanggap and di dapat tanggapin?

Bobo ba ako?

Bobo ba ako kasi sa lahat ng pwedeng piliin bakit yun pa ang napili ko?

Drama ko ba?

Madrama ba ako dahil sa di ko alam gagawin ko kaya iiyak ko nalang?

Sinungaling ba ako?

Sinungaling ba akong maituturing kung yung kasinungalingang yun eh may rason kung bakit ko ginawa?

Di ba sapat?

Di pa ba sapat yung iniwan ko kung anong gusto ko para mapasaya ang iba?

Di ko alam kung saan o kung paano magsisimula. Ang tanging alam ko lang ay malapit na akong sumuko sa bagay na di ko na kayang hawakan. Nagtake ng risk sa bagay na di ko alam kung saan patutungo

Kinakamusta ang sarili, “Kaya mo pa ba?”, “Okay ka pa ba?”. Nababaliw sa katotohanang walang halaga ang ginawa mo para sa iba.

Nakakaawa, nakakahibang, nakakalungkot, nakakainis at nagpapakatanga. Nagbibigay payo sa iba pero sa misong sarili di ko magawa.

Maraming nagsasabi na, “Andyan ang Panginoon, magtiwala ka lang”, “Kaya mo yan”, “Mahalaga ka”. Ngunit sa pag abante ng aking mga paa ay may mga tanong sa aking isispan, mga “Bakit?” at “Paano?” na sa tuwing lalapit ako sa Kanya, pinagpapawisan, kinakabahan at nilalamon ng takot.

Aatras at lalayo. Mga katanungang “Bakit di ko maibigay sa Panginoon lahat?”, “Bakit di ko mapanindigan?”. Mga tanong na di ko alam ang sagot.

Siguro nga isa lang akong mapagpanggap na nilalang sa mga taong nakakasalamuha ko. Sa likod ng mga ngiti, pagiging madaldal, pagiging mabait ay may mga bagay na di mo aakalaing nagawa ko o ginagawa ko, mga bagay na ayokong malaman ng lahat.

Pinipilit itinatago ang mga ito, na siya namang unti-unting lumalamon sa akin.

Nasasakal. Sinasakal ako ng katotohanan.

Di ko mailabas, di ko masabi ng harapan. Na sa bawat pag buka ng bibig ay sabay ang agos ng luha na pumapaimbabaw sa mga kataga na lumalabas mula sa kaibuturan ng aking isip.

Mahina ako. Mahina ako dahil sa harap ng masayahing ako, matapang na ako, ay may taong di na kaya ang lahat, taong malapit ng sumuko sa hamon ng buhay.

Nangungulila sa di malamang dahilan. Mga bagay na di maintindihan. Mga bagay na mahirap ipahiwatig, mga bagay na mahirap buoin, mga bagay na walang eksplenasyon.

Di alam kung saan hahanap ng mga kataga para ipaintindi sa madla na kung ano ba talaga ako na sa bawat pagbuka ng bibig ay siyang pagsara din nito dahil kaakibat nito ang mga mangyayari na makakapagpabago sa lahat.

Mga bagay na nasa isipan ko’y gumugulo na mas mabuti ng di ilathala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *