Ako yung tipo ng taong naniwala sa tadhana.  Na gaya ng ginawa ng Diyos kay Adan,  ay may nilaan rin Siyang tao para sa akin.

 

Sa bilyong tao sa mundong halos sindami ng bituin, sadyang may iisa pa rin na lulutang ang angking ningning.

 

Lahat tayo ay may kuwento ng pag-ibig na nakaguhit sa mga bituin. Pag-ibig na nagsisilbing paalala na walang taong mistulang isla.  Lahat tayo ay mga daigdig para sa isang tao.  Isang taong ituturing tayong tahanan ilang mundo man ang nasa kalawakan.

 

At mahal, ipagsisigawan kong ikaw ang aking mundo.  Isa kang daigdig sa gitna ng iba pang mundo. Daigdig na tamang tama para sa isang taong tulad ko.

 

Ngunit tila ba eklipse ang ating pag-ibig.

Araw ka at buwan ako.

Langit ka, lupa ako.

 

Bihirang magtagpo ang ating mga mundo.

 

Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil sa iyo umikot ang aking mundo.

 

At mahal, gaya ng isang planetang tinamaan ng bulalakaw,  ang laki ng pagbabago mula nang dumating ka sa aking mundo.

 

Sandali man ang iyong pagdating,  ay buong buhay ko na ang nabago nito.

 

Gaya ng isang eklipse,  hihintayin ko ang muli nating pagtatagpo.

 

At tandaan mo,  sa lahat ng mundong aking  narating ,ikaw lang ang naging tahanan ko.