KUNG PUWEDE PA, KAPAG PUWEDE NA
Categories Poetry

KUNG PUWEDE PA, KAPAG PUWEDE NA

Hindi kita nabigyan ng kalinawan.
Alam kong iba ang naging pag-unawa mo,
Sa naging tugon kong katahimikan.
Hindi totoong hindi kita mahal o minahal.
Ngunit siguro, nagtagpo lang tayo
Sa panahong hindi pa ako puwedeng maging iyo.

Nais ko man na manatili ka at ako’y hintayin
Ngunit kailangan kitang palayain.
Sapagkat alam kong,
Marami pang bagay ang naghihintay sa iyo.
Sa lugar na wala ako,
Posibleng damdamin mo pa’y magbago.

Mahaba pa ang iyong magiging paglalakbay,
At sa daan ay marami ka pang
maaaring makasalubong o makasabay.
At ayaw kong pigilan ka,
Na makatagpo at muling magmahal,
Ng taong mas nakahihigit sa akin.
Ng taong walang pag-aalinlangan
At buong-buo kang mamahalin.



Kung darating man ang panahon,
Na muli kang magbabalik.
O kung ‘di sadyang muli tayong pagtagpuin
Kung sakaling tadhana’y hindi na ipagkakait.
Ang pagkakataon na minsan sa’ting nawaglit.
Kung puwede na at puwede pa,

Pangako.
Hinding-hindi na ako sa’yo,
muling bibitiw pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *