Hindi kita iniwan
Categories Friendship

Hindi kita iniwan

Baka sakaling isang araw magtaka ka kung bakit ka nanaman mag-isa.

Sakaling maalala mo ang pangalan ko, may nais lamang akong linawin sayo,

Di kita iniwan, pinaalis mo ko ng di mo namamalayan.

 

Masaya naman talaga tayo. Saulo ko lahat ng dahilan ng takot at lungkot mo. Lahat ng bagay na pweding makapagpasaya sayo upang makalimutan ang bawat kirot ay sinubukan kong tumbasan, baka sakaling ikaw ay mabuo. Ang pag-ngiti mo at pagtawa? Kaya kong ulit-ulitin pakinggan kahit na mag-isa. Dahil pinilit kong maalala lahat ng iyon dahil isa ka sa mga memoryang ayaw kong maiwala. Ikaw ang naging saya at dahilan kung bakit nakontento sa isang bagay na di ko nga ba alam kung ano.

Ayaw kong mawala ka, yan ang lagi ko sayo pinapaalala. Sa lahat ng naganap, wag mo sanang itanggi na ibinigay ko ang lahat maiparamdam lamang ang halaga mo kahit na maraming beses pinaramdam mo sakin na wala lang ako sayo.

 

Sabi ko sayo sa lumang sekretong sulat ko

” Alam kong parati mo siyang naaalala. Alam kong hindi ko kaylanman matutumbasan lahat ng iyon, ngunit susubukan kong pasayahin ka hanggat wala pa siya sa piling mo ngayon”. Hindi ako tanga sa mga panahong pinili kong maging “pansamantala”, dahil seb pinahalagahan lamang kita kahit na ilang ulit ka na niyang binasura.

 

Kaya wag ka sanang magtanim ng galit saakin at bumuo ng isang hardin. Dahil tandaan mo hindi kita iniwan sa hangin.

 

Alalahanin mo ang ilang beses na iniwanan ko ang ibang mga mahahalagang bagay mapuntahan ka lamang.

Mga panahong kaya kong manatili at makinig kahit siya ang iyong bukambibig.

Mga panahong ginawa mo akong happy pill sa isang sugat na hindi ako ang siyang lumikha at gamot.

Mga panahong nanatili lang ako sa tabi mo upang yakapin ka, hawakan ang kamay mo, titigan ka sa iyong mga mata at sabihin sayong “deserve mong sumaya”.

 

Paulit-ulit kong pilit ipinaalala na may nagmamahal sayo, na worthy ka, na may mga taong may pakialam sa buhay mo at andito lang ako. Pero habang unti-unti akong nagtatagumpay upang maalala mo ang iyong kasiyahan, nakalimutan ko na ako rin pala ay may halaga at dapat alagaan. Ako rin pala ay taong madaling mabasag at masaktan. Ako rin pala ay isang taong nangangailangan ng mga bagay-bagay, pero bakit hindi mo ako iningatan.

 

Ilang beses mo na ba ako pinaiyak? Sinabihan ng mga bagay na nakapagpaluha sa tulad kong mas matapang pa sa alak. Kinalimutan at initsapwera? Iniwan at pinagpalit? Ilang beses mo na nga bang pinaramdam saakin lahat ng insecurities ko? Ilang beses na ba?

 

Lahat ng ginawa mong bagay para saakin ay saulo ko din. Nagpapasalamat ako sa lahat ng iyon. Isa ka sa mga nakapagpasaya saakin ng napakaraming beses. Dahil presensya mo lamang, maniwala ka, masaya na ko. 

 

Pero patawad kung ako na ay susuko at lalayo dahil mukhang ito naman talaga ang iyong gusto. Sa kahuli-hulihang pagkakataon bago ako bumitaw, salamat dahil pinaramdam mo saakin na wala kang pakialam sa kaligtasan ko, sa mararamdaman ko at sa kung ano mang katiting na meron saatin. Hindi kita iniwan. Hindi ako umalis.

 

Naawa lang ako sa sarili ko dahil sa lahat ng mga bagay na ginawa, sinabi at ipinaramdam mo.

 

Nangako ako na mananatili ako sa tabi mo. Pero napakahirap panindigan ang isang bagay kung ang pinangakuan na mismo ang nagtulak at nagparamdam sayo na ang pinakamaganda nalamang piliin ay ang, lumayo.

 

Sa oras na maalala mo ko, tandaan mo “bago ako nawala, ibinigay ko na lahat ng kaya ko. Nanatili hanggat kaya ko. Naging marupok ng ilang ulit. Bago ako nagdesisyong hanapin na muna at ibalik sa aking sarili ang halaga ko na itinapon mo lang sa kung saan, ilang beses na muna akong sumubok saating dalawa, ngunit wala talaga.”

Dahil sa huling simpleng bagay na ipinagdamot mo saaking ibigay. Hindi lang ako muntik mawala bilang kaibigan mo, muntik pa akong mawala sa mundong to. At salamat, sa huling patak ng luha.

 

Ngingiti ulit ako bilang isang kaibigan mo. Pangako.