Current Article:

Hindi na ako nagtanong, hinayaan ko na lang.

Hindi na ako nagtanong, hinayaan ko na lang.
Categories Relationships

Hindi na ako nagtanong, hinayaan ko na lang.

Bakit pa ako magtatanong kung halata naman? Bakit ko pa itatanong kung “bakit?” o kung “sino?” kung alam ko naman na kahit tanungin kita nang paulit-ulit hindi ako ang magiging sagot mo. Iba pala kapag ikaw lang ang nakakadama, yung ikaw lang ang nagmamahal. Ikaw lang din ang nasasaktan, umiiyak. Marami pa sana akong dapat at gusto sabihin ngunit tila hindi pa nga ako nagsasalita, alam ko na. Wala pala akong lugar sa tinuturing kong tahanan. Kahit kailan hindi pala ako naging parte nito.

Ang hirap panghawakan ang isang bagay na matagal na palang hindi nakakapit, ako lang tong hibang sa kakaisip na ako lang pala ang nagmamahal sa atin. Ako lang pala ang ginawa kang tahanan at ako pala’y ginawa mo lang na pahingahan. Isang pansamantala. Nag-iisang akala, sa mundong puro sigurado. Hinayaan kita sa ganoong sistema, hanggang sa di ko na namalayan habang may iba kang pinupunan nang pagmamahal ay sya ring pagka-ubos ko. Naubos ako, dahil binigay ko ang lahat sayo. Nawala ang nag-iisang pag-asa ko na sana pagdating ng panahon lingunin mo rin ako dahil ako ang laging nadyan para sayo.

Mali pala, dahil una pa lang hindi na ako. Ako ang nasa tabi mo pero hindi ako ang nasa puso mo, pinipilit na pa lang pumiglas  mahigpit pa rin ang kapit ko. Alam ko na noon pa kaya hindi na ako nagtanong, hinayaan ko lang. Hinayaan ko munang madurog ang puso bago ko masabing “mahal kita pero palalayain na kita”

At kung may susunod mang buhay, hihilingin ko na sana hindi na tayo magkita hindi dahil takot ako na ibigin ka ulit kundi natatakot ako na baka kahit sa susunod na pagkakataon ay hindi pa rin ako.