“May darating, may aalis,” ika ng karamihan.
Pero ang naisip ko lang, hindi mo gagawin ang lumisan. Sabay tayong tumaya sa hinaharap na walang kasiguraduhan.
Kaya naman, tungo sa landas na sabay nating pinangarap, araw-araw kong hinakbang ang aking mga paa. Marami mang boses na pilit akong hinadlangan ay hindi ko ito pinakinggan. Alam ko sa sarili ko na tiyak ang aking ipinaglalaban.
Malayo-layo na rin ang narating ko. Nasa gitna na ako ng daan na ating pinagkasunduan. Ngunit napagtanto ko na lamang na tinahak mo ang kabilang daan habang ako ay nagpapatuloy upang ikaw ay tuluyan nang masilayan.
Hinanap ka. Tinawag ka.
Hinanap kita. Tinawag kita.
Ngunit ang tanging narinig lang ay ang mga kuliglig. Oo, wala ang iyong tinig.
Naghintay ng ilang araw pa…ng ilang linggo pa… ng ilang buwan pa…
pero hindi ka nagpakita.
Nilampasan ko ang kalahati ng napagkasunduan. Nagbabaka sakaling ikaw ay nagpapahinga lang kung saan pero hindi pa rin kita nasumpungan. Hindi kita natagpuan.
Para bang literal na tumigil ang mundo ko nang hinayaan mong lisanin ko ang mundo mo. Hinintay mo akong malunod. Malunod sa lungkot. Malunod sa pagdududa. Malunod sa hinala.
Imbis na sagipin mo ako sa pangungulila ay tila ba ikaw ang may kontrol sa karagatan dahil hindi humihina ang malalakas na hampas ng alon.
Hindi mo ako sinagip. At sa wakas, muli ko na namang narinig ang malamig mong tinig na hindi ko alam kung maniniwala pa ba ako. O kung maniniwala na naman ako ay para ko na ring pinain ang sarili ko sa nagbabadyang pating. Oo, muli pala akong papatayin. Aagos ang dugo at sariling sugat ay pahihilumin.
Dumating ang panahong napundi na ang pag-asang lumiliwanag. Ako ay naubos. Oo, hindi lang halos. Tila ba napulbos, naupod pati ang suot na sapatos.
Magkakabangga ang mga nangungusap na mata, ngunit kikilos na parang hindi nagkakilala.
Hindi ko na uulit-uliting babasahin nang buong lakas ang mga binuo nating balangkas na minsa’y hindi ko maintindihan kung bakit mauuwi sa ganitong klaseng wakas.
Hindi ko na hihintayin ang pagdaong mo sa aking pampang. Hindi ko na hihintaying magkrus ang landas natin sa interseksyon. Pangako, hindi na kita aabangan sa dulo nito.
Hindi mo man ako inahon, sadyang mabiyaya ang Panginoon dahil Siya ang sumagip sa akin. Marahil isa akong rebelde ‘pagkat alam ko no’ng una pa lang, wala akong narinig na “oo” mula sa Kanya. Hindi Niya ako, tayo pinahintulutan.
Tunay nga, walang pag-ibig na gaya nito—pag-ibig na hahanapin ako kahit saan man ako mapadpad; pag-ibig na yayakapin ako sa kabila ng aking ‘di mababayarang pagkukulang. Ngayon, nakatitiyak akong ang bawat plano Niya’y upang protektahan ako.
Malunod man ako nang paulit-ulit, alam kong may tatakbo’t sasagip sa akin—Siya. Wala nang iba.