Hiraya
Categories Poetry

Hiraya

Ilang gabi pa ba ang katatakutang dumating sa pag aalalang ang anino mo’y bibisitang muli?
Ilang bote pa ba ang kailangnang ipunin upang matiyak na handa na ang mga tengang marinig ang mga lipas mong hikbi?
Ilang oras, minuto, segundo pa ba ang sasayangin sa pag iisip kung bakit hanggang ngayo’y ganito parin.

Katulad ng mga lumang pahina sa aklat na iyong pinilas upang gawing pananda sa kahel mong kwaderno,
Hinding hindi ko parin lubusang maunawaan ang dahilan ng iyong paglayo.

Sapagkat ako ay isa lamang hangal na umaasa paring uupusin mo ang nagbabagang puyos ng kalungkutang hindi mamatay matay sa aking pag tangis.
At ako ay isa lamang hibang na paulit-ulit hihilingin na sana’y ang pangungulilang ito ay pumarang kasabay ng hangin.

Ilang awitin pa ba ang magpapa alala sa akin kung gaano kasalimuot ang pakiramdam na magkaiba ang landas na tinahak natin,
na sa bawat hakbang palayo ang puso’y dumadaing.
Narito sa aking balat nakaukit ang bawat letra ng kasiyahang sabay nating nadama, at ni isang bakas ng kurba ay walang nagpahiwatig na ayaw mo na.

Sabihin mo sa akin, ilang diablo pa ba ang magtatangkang ako’y lunurin?
Dahil sa bawat pag lubog ko sa lawa ng alinlanga’y syang pagkaubos ng baon kong hangin.
Kailan mo ba ako sasagipin?
Kapag ang sarili’y pagod nang linlangin?

Oldsoulqueen
02.26.19

Prev Ang Laban ng Pusong Umiibig
Next Di bale ng maiwan wag lang mang-iwan.