“Huli na toh”

Huli na toh.
Ibabalik kong muli ang humintong oras.
Ang saya, sakit, at hapdi ay ibubulalas.
Kung paanong ikaw at ako ay nagkakilala
Hanggang sa ang lahat ay nauwi na lamang sa mga alaala.

Huli na toh.
Ang pagtitig ko sa nasirang larawan.
Ang paghawak ko sa mga bagay na matagal mo nang binitawan.
Ang pag-upo ko sa silyang matagal mo nang tinayuan.
Ang paglakad ko sa mga bakas na matagal mo nang nilakaran.

Huli na toh.
Ang pasasalamat sa bawat tsokolate, rosas at regalo mong dala. Sa bawat ngiti, kilig at lambing na ipinadama. Sa bawat oras, panahon at paglalakbay nating dalawa. Ang pagpapahalaga sa mga bagay na matagal nang tapos na.

Huli na toh.
Ang pagbibilang ng kamalian ng bawat isa. Ang pagtatalo kung sino ang mas nagkulang at kung sino ang mas nauna. Ang panaghoy ng pusong pagod na pagod nang lumaban pa. Ang pagiyak sa dulo ng alitan kasabay ng pagsambit ng tama na… ayoko na.

Huli na toh.
Ako na ang lalayo at di na ko lilingon muli.
Huli na toh.
Hindi na manghihinayang sa mga nasayang na sa sandali.
Huli na toh.
Hindi na ako aasa pa na ikaw ay magbabalik.
Huli na toh.
Ibabaon sa limot ang mga yakap mo’t halik.
Huli na toh.
Paalam, mahal kita hanggang sa huli.