Huling Sulat Bago Ang Paglaya

Noong una sinisisi ko ang sarili ko kung bakit tayo naghiwalay.  Lagi kong naiisip ang mga salitang sana at paano kaya kung.

Pinuno ko ang sarili ko ng mga pagsisisi na kalaunan ay nilamon ako.

Masakit.

Mahirap.

Hindi mo alam ang hirap ko. Hindi mo alam kung gaano ako nasasaktan.  Hindi mo alam dahil iniwan mo na ko sa ere at hindi na sinalo. Bakit nga pala umasa akong sasaluhin mo ako kung sa una pa lang ay bintiwan mo na nga pala ako.  Ang tanga ko.

Pero mali pala.

Ayoko nang isisi lang sa sarili ko ang lahat. Hindi ko kasalanan lahat.  Hindi ako martyr. Hindi ako tanga para hindi maramdaman na tayo pa noon ay nanlamig ka na.

Mahal kita.

Salitang binitiwan mo sa ‘kin noon habang hawak ang kamay ko nang mga panahong naglalakad tayo.

Salitang naririnig na tila musika sa tenga ko.

Salitang nararamdaman ng puso ko na nagdadala sa ‘kin sa mga ulap na akala ko ay hanggang tanaw lamang.

Salitang kapag naaalala ko ngayon ay gusto kong magwala.

Mahal kita

Na napalitan ng napakabilis at nagsisimula pa lang na pagsasama.

Ayoko na.

Ang dali mong nasambit ang mga salitang iyon na para bang kung ayawan mo ay tulad sa mga batang nanghihingi ng limos mula sa ‘yo.

Hindi ko isisisi sa sarili ko ang lahat.

Tayong dalawa ang may kanya-kanyang pagkukulang sa isa’t isa kaya humantong sa ganito ang lahat.  Ayokong isisi sa sarili ko at ayokong isisi rin sa ‘yo.  Pareho tayong may ginawa at hindi ginawa kaya ngayon ay parang baliw na isip ng isip kung anong nangyari sa noon ay ubod ng tamis na pagmamahalan.

Naglaho na.

Wala na.

Tapos na.

Huli na ‘to.

Ito ang huling araw na aasa ako na magkakaayos tayo.  Huling araw na muling sasaktan ang sarili ko para sa’yo.

Ikaw na wala nang pakielam.

Ikaw na madaling bumitaw.

Bakit nga ba kita minahal?

Sana alam ko kung bakit para alam ko rin kung pa’no umayaw. Para hindi na kita maisip.  Para hindi na kita maalala. Para hindi na kita mahalin pa. Langya!  Bakit sakit at luha ang sinukli mo sa lahat ng pagmamahal na ibinigay ko? Kulang ba o sobra?  Kulang ba kaya naghanap ka pa? O sobra kaya nalunod ka na?

Huli na ‘to.

Ang sakit talaga pero huli na talaga ‘to.

Alam kong wala kang gagawin para magkaayos tayo pero umaasa pa rin ako na may konti pa ring pagmamahal dyan sa puso mo nang maisip mong hindi mo ako kayang mawala sa tabi mo.

Kaso kilala nga pala kita.

Nahibang ako saglit na umasa ako na hahabulin mo ‘ko.

Kaya nga ang sabi ko huli na ‘to.

Huli na talaga ‘to.

Kakalimutan na kita. Hindi na ako aasa pa.  Na darating ka at kakatok muli sa pinto ko, hihingi ng tawad at muli tayong magkakaayos. Ang tanga ko para umasa sa ‘yo.

Huli na ‘to.

Ayoko na talaga.

Hindi kita isusumpa o ano.  Hindi ko hihilingin na makarma ka o makatagpo ng katapat mo.  Ang hiling ko lang sana sa huling pagkakataon, hindi man ngayon, kahit balang-araw manghinayang kang sinayang mo lang ang pag-ibig ko.

Sinayang mo at hindi mo na muling mararamdaman.  Kahit hilingin mo pa.  Kahit lumuhod ka pa.

Hindi ako nagsisising minahal kita kahit ang totoo hindi ko mailarawan kung anong klaseng sakit ang nararamdaman ko.  Noong una pa lang sinabi ko na sa sarili ko na kahit sa hinaharap at hindi nga tayo ang magkasama hanggang dulo, hindi ko pagsisisihan na minahal kita ng totoo. Minahal kita pero sinayang mo.

Atleast sinubukan ko.

Atleast sumugal ako at natuto.

May mga araw na hinahanap-hanap pa rin kita. Hindi ko alam kung pa’no ka kakalimutan o kung pa’no muling tatayo mag-isa gamit ang sarili kong mga paa.

Pero kailangan.

Kailangan kong masanay na wala na akong matang tititigan dahil alam kong sa iba na nakabaling ang mga mata mo.

Kailangan kong masanay na hindi na kamay ko ang hahanap-hanapin mo mula ngayon.

Kailangan ko nang tanggapin na mula sa mga araw pang susunod may makilala ka nang iba.  Iniisip ko pa lang dinudurog na nito ang puso ko.

Ang sakit.

Sana alam mo ang pakiramdam ko.  Sana alam mo ang pakiramdam ng sakit na nararamdamn ko. Sana balang-araw maisip mo na minsan may magmahal sa ‘yo ng totoo.  Sana minsan maalala mong iniyakan kita at nagmakaawang mahalin mo ulit ako.  Sana.  Sana.

Sa ngayon galit pa ako. Oo aaminin kong galit na galit pa rin ako.  Hindi mo kasi ako nagawang ipaglaban sa kalabang hindi ko alam kung ano.

Pero darating ang araw na lahat ng sakit na pinaramdam mo sa ‘kin ay mapapalitan ng pasasalamat.

Ayoko sanang magalit sa ‘yo.

Dahil alam ko ginamit ka Niya para turuan at palakasin ako.

Kaso nasasaktan ako kaya galit ako.

Galit ako, mahal ko.

Gusto ko nang matulog at ipikit ang mata kaya tatapusin ko na ‘to.  Ayoko nang maging alipin ng kahapon, ng alaala mo at mga larawan sa isip ko ng haplos ng kamay mo sa katawan ko. Ayoko nang maalala pa.

Maraming salamat sa natutunan ko mula sa’yo.

Salamat sa mga sakit.

Salamat sa mga totoong ngiti.

Salamat sa mga alaalang balang araw ay sasariwain ko na lang na hindi na nasasaktan.

Salamat sa pagmamahal mo na kahit hindi ko alam kung hanggang kailan lang tumagal ang totoo.

Salamat sa sakit na ‘to dahil nakapagsulat ako ng ganito.

Huli na ‘to.

At sa tingin ko ang huling masasabi ko na lang sa ‘yo ay salamat dahil minsan ay kinumpleto mo ako.

Ito ang huling sulat ko sa ‘yo at salamat magiging malaya na ‘ko.

Exit mobile version