Nakilala kita sa hindi inaasahang pagkakataon. Ginising mo ang puso kong nakalugmok at nakabaon. Pusong takot umibig at tumanggap ng pagkakataon. Pagkakataon na magmahal uli gaya ng kahapon. Masyado na akong napagod. Malapit na akong lumubog. Pero nandiyan ka at sinagip ako sa lungkot. Napapasaya mo ako. Pero sapat ba ito para masabi kong mahal mo na ako?

Nasanay na ako sa mga bagay na hindi nagtatagal. Sa mga samahang natatapos at nagwawakas. Natutunan kong maging malakas. Naging matapang ako at matibay. Pero nag-iba ang pananaw at nanghina na ng tuluyan dahil pinatuloy kita. Pinatuloy sa puso kong nakakandado sa mahabang panahon. Hinayaan ko na mahulog ang loob sa’yo, kahit malabo. Siguro nga walang ibang sisisihin dito kung hindi ako.

Pero kung papipiliin ako, pipiliin ko pa rin ang sarili ko. Alam ko mahirap na labanan ito, pero hindi ako magpapatalo. Huwag na lang, kung bigla ka lang mawawala. Baka masanay ako na nandiyan ka. Baka hanap-hanapin kita. Baka umasa ako sa wala. Baka tuluyan na akong mapagod magmahal. Kaya kung hindi ka sigurado, iiwas na lang ako. Mas mabuti nang tiisin ko ito, kaysa palagi akong aasa sa pagmamahal mo.